Natapos na ang pambansang jeepney strike. Mukha namang naramdaman ang impact nito sa mga major na lugar kung saan ito inilunsad. At tila naipahatid naman ang mensahe ng nag-aklas na jeepney drivers at operators – ang pagtutol sa pinaplanong jeepney mo¬dernization ng pamahalaan.
Sa pangkalahatan, maganda naman ang hangarin ng gobyerno. Ang tanggalin na ang smoke-belchers na mga jeep at palitan ng e-jeep na mas mataas ang base fare. Hangarin na gawin itong world-class para sa dumarami nang turista. Inaasahan din na magbu-boost ito ng jeepney manufacturing sa bansa.
Hindi ganoon kasimple ang usapin. Sa unang tingin, maeengganyo ka sa kabuuan ng batas. Exciting ang ideya na magmu-modernize ang mga jeep.
Sa kabilang banda, may tila nakalulungkot na implikas¬yon ang mga panukala.
Una, duda ako na sa panukalang ito ay maiibsan ang problema sa trapiko sa kalunsuran gaya ng Metro Manila. Dahil hindi magsisinungaling ang mata sa nakikita nitong mas sobrang dami ang mga pribadong sasakyan na ma¬ngilan-ngilan lang ang sakay ang tumatakbo sa mga lansangan.
Kaya kahit marahil limasin na lahat ang mga hamak na jeepney sa lansangan, masikip pa rin ang trapiko. Isa lang sa madaling scapegoat ang jeep sa malalang problema natin sa transportasyon.
Kawawa rin ang mga maliliit na operator, o mga ibang pamilya na nag-aadhikang makapundar kahit isa man lang na piraso ng jeep para panghanap-buhay. Dahil sa panukalang batas, hindi na sila bibigyan ng prangkisa kasama ng mga nagmamay-ari ng mga lagpas 15-taon nang mga jeepney.
Sa kadulu-duluhan, mga maliliit na mamamayan ang tatamaan ng panukala — yaong hindi makakayang magkaroon ng minimum na 20 bilang ng mga jeep, na siyang nakasaad sa inihahaing batas. Ang opsyon, maging empleyado na lamang sila ng mga kayang magpaprangkisa ng maraming unit, o ‘yung mga kapitalista.
Kung mananaig ang panukala, isang maliit na tabletang kailangang lunukin na naman ‘to ng maliliit, kaysa tuluyang mangalam ang mga sikmura ng pamilya nila. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
418