SAN SEBASTIAN, KAKAPIT PA

BASTE-1

SUSUNGKITIN ng San Sebastian College ang ika-siyam na panalo sa pagharap sa Lyceum of the Philippines University para mapanatili ang target na makausad sa Final Four ng 95th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Umaasa si Stags coach Egay Macaraya na malulusog ang kanyang mga alipores para makipagbakbakan sa Pirates sa alas-2:00 ng hapon.

Kung magwawagi ang Stags (8-6),  aangat sila ng dalawang laro laban sa pahingang Mapua (7-8).

Sa panig naman ng LPU, hangad nitong makalawit ang No. 2 ranking sa Final Four o ‘di kaya’y sa step-ladder format sakaling ang defending champion San Beda ay makumpleto ang 18-0 sweep ng eliminasyon.

Wala pang talo ang Pirates sa second round at hawak ang 12-3 record, at malaki ang tsansang makarating sa championship round.

Kaya naman gagawa ng paraan ang Baste para pigilin ang Pirates.

“We need everybody to stop LPU. With the way they are playing right now, yung winning streak nila. With Mike Nzeusseu and the Marcelino brothers (Jaycee and Jayvee). We know na lahat naman sila talaga, magagaling,” pahayag ni Stags coach Egay Macaraya, matapos ang dikitang panalo laban sa JRU noong Huwebes, 62-59.

Maghaharap naman sa alas-12:00 ng tanghali ang St. Benilde Blazers at talsik nang EAC Generals, habang ang Perpetual at JRU ay magsasagupa sa alas-4:00 ng hapon.

148

Related posts

Leave a Comment