Naging isyu ngayon ang “honesty” sa mga tumatakbo sa pagka-senador dahil sa pahayag ni Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte na hindi dapat gawing isyu ito sa kampanya dahil lahat naman daw ng tao ay nagsisinungaling.
Ang naturang pahayag ni Mayor Sara ay bilang pagdepensa kay senatorial candidate at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na umani ng batikos matapos magsinungaling ito na nagtapos sa Princeton University at University of the Philippines-College of Law na kapwa itinanggi ng dalawang pamosong pamantasan.
Sa pananaw naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, isang uri ng fraud o panloloko ang pagsisinungaling hinggil sa educational attainment gaya ng ginawa ni Imee Marcos.
Nang tanungin pa si Panelo na isang abogado kung ano ang puwedeng mangyari sa isang opisyal ng gobyerno na nakagawa ng fraud, ito ang kanyang tugon: “Oh eh ‘di matatanggal siya sa trabaho, o hindi siya maa-appoint, o hindi siya mahahalal.”
Walang duda na masyado lang emosyonal si Mayor Sara sa pagdepensa sa kanyang mga senatorial candidates sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) lalo pa kung nanggagaling ang mga batikos sa mga kandidato ng oposisyong Otso-Derecho.
Nasa isip marahil ni Mayor Sara ang awitin ni Billy Joel na “Honesty” kung saan may linyang nagsasabing: “Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue.”
Si Imee Marcos dapat ang sumasagot kung bakit siya nagsinungaling hinggil sa Princeton at UP-College of Law gayung wala namang pakialam ang mga botante kung saan nagtapos ang mga senatorial candidate kaya nga nanalo sa Senado ang mga gaya nina Manny Pacquiao, Lito Lapid at Bong Revilla.
May kasabihan tayo sa wikang Tagalog na “ang pagsasama ng tapat ay pagsasama ng maluwat” kaya nga ang hinahanap ng mga botante sa mga kandidato ay yaong mga tapat, mapagkumbaba at may angking karisma.
Asiwa ang mga botante sa mga sinungaling at mismong ang balo ni Fernando Poe Jr. na si Susan Roces ay galit sa mga sinungaling dahil kapatid ito ng magnanakaw. Matigas na sinabi ito ni Susan Roces sa gitna ng pandaraya kay FPJ noong 2004 presidential elections na naging sanhi ng maagang pagkamatay ni Da King.
Matatandaang minsan ding inakusahan ang ama ni Imee na si Ferdinand Sr. ng pamemeke ng kanyang mga war medals noong World War II at mismong ang Central Intelligence Agency ang naglabas nito noong maagang bahagi ng 1980s sa San Jose Mercury News.
Ang “fake war medals” ang isa sa mga naging malaking isyu laban sa diktador na si Marcos na napatalsik sa Malacañang sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 1986.
May kasabihan sa wikang Ingles na “Those who do not remember the lessons of history are condemned to repeat it.” Matuto na sana tayo sa kasaysayan. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
333