ASA PA KAYONG MABUBUWAG ANG POLITICAL DYNASTY

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAS malabo pa sa tintang itim na ibinubuga ng pusit kapag nasusukol na siya, ang pag-asang mabuwag ang political dynasty sa Pilipinas dahil habang tumatagal, imbes na mabawasan ay nadadagdagan pa sila.

Ang tanging pag-asa na lang natin ay maging matalino ang mga botante na imposible ring mangyari dahil karamihan sa Pinoy voters ay madaling mauto, nababayaran at masyadong nai-star struck sa sikat na mga kandidato.

Maraming nagsasabi na 70% sa mga gumagawa ng batas sa Kongreso ay mula sa political dynasty clan at kung hindi man ay miyembro o kaalyado nila kaya talagang tutulugan nila ang anomang panukala na magpapaalis sa kanila sa kanilang poder.

Palagay n’yo gagawa sila ng batas na laban sa kanilang interes? Hindi mangyayari ‘yan lalo na’t ‘yan na ang kanilang bread and butter at proteksyon ‘yan sa kanilang business interest kaya ‘wag na tayong umasa, ok?

Siguro kung magkakaroon muli ng revolution tulad ng EDSA Revolution na nagpatalsik sa diktador na si ex-President Ferdinand E. Marcos Sr., at gagawa ng bagong Saligang Batas, may pag-asa pero ngayon imposible na.

Alam niyo ba kung bakit? Imbes na mabawasan ang political dynasty ay nadadagdagan pa sila. Pansinin n’yo ang karamihan sa mga politiko na walang political dynasty, pinatatakbo na ang kanilang mga anak, asawa at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.

Ibig sabihin, nagsisimula na silang magtayo ng dynasty at kapag ibinoto ng mga tao ang mga ‘yan, hindi na mapipigilan ang kanilang paglaki kasi natikman na nila ang sarap ng nasa kapangyarihan.

Saka alam niyo, karamihan sa mga anak ng mga politiko ay hindi na naghahanap ng trabaho ang mga iyan. Inaantay na lamang nila na matapos ang termino ng kanilang tatay o nanay para sila ang papalit.

May power na sila, hawak pa nila ang malaking pondo at malaki pa ang sweldo kaya saan ka pa? Kung kurakot sila, aba mas yayaman sila at alam niyo kung sino ang nagpayaman sa kanila, ang mga taong bumoto sa kanila.

Pwede rin sigurong mawala ang political dynasty kung tamaan ng hiya ang mga ‘yan pero sa kapal na ng kanilang mukha, hindi na nila alam ang kahulugan ng hiya.

Kaya ang tanging pag-asa ay pataasin ang literacy sa Pilipinas dahil sa ngayon ay nakikita ang “kabobohan” natin sa pagpili ng kandidato. Tuwang-tuwang ang mga botante kapag nakakita ng sikat na kandidato at kahit walang kuwalipikasyon ay iniluluklok nila sa puwesto.

Kailangang itinuro agad sa basic education ang tamang pagpili ng kandidato, paano labanan ang katiwalian at mahalin ang bayan. Saka lang kasi natututo ang mga Pinoy kapag nakarating na sila sa kolehiyo eh.

Pero dahil sa hirap ng buhay, karamihan sa atin ay hindi nakakaabot sa kolehiyo at ito ang mga nagpapasya kung sino ang mamumuno sa atin at madalas nilang pinagsisihan ang kanilang desisyon pero wala na silang magawa kundi magtiis at manatili sa kahirapan at damay tayong lahat.

35

Related posts

Leave a Comment