PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISANG ginang ang nagreklamo laban sa kanyang boss na Trustee ng PAGIBIG – Home Development Mutual Fund (PAGIBIG-HDMF) na umano’y nang-aabuso sa kanya.
Sa sulat ng ginang na hindi muna natin babanggitin ang pangalan, kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., inireklamo niya ang pare-pareho at tuloy-tuloy na ‘hindi naaangkop na pag-uugali, verbal na pang-aabuso, at maling pag-uugali’ ni Anthony Cesar Arellano, Trustee ng PAGIBIG-HDMF.
Nakasaad sa reklamo ng ginang na sa isang board committee meeting na isinagawa sa Baguio noong Agosto 26, 2024 sa Manor Hotel, inutusan siya ni Trustee Arellano na lumabas ng kwarto niya at maghintay siya sa lobby ng hotel hanggang si Atty. Marie Antoniette Diaz at Trustee Ma. Lourdes Doria-Velarde ay dumating para sa kanilang nakatakdang hapunan.
Salaysay ng ginang, “Sa lobby ng hotel, ipinaalam niya sa akin ang isang pagtitipon na may mga inuming may alcohol.”
“Sinabi sa akin ni Arellano na kung hindi ako kumanta sa pagtitipon, hindi ako dapat dumalo.” “Baka rape-in ka lang ni Ricky doon,” pahayag umano ni Arellano na ang tinutukoy ay si Ricky Sunico, technical consultant ni Trustee Beng.
Bukod dito, sa isang pulong sa C-Front Restobar sa Brgy. Purok Blvd., Legazpi, Albay na ginanap noong Mayo 22, 2024, kasama si Governor Noel Rosal, pinahiya aniya siya sa publiko ni Arellano sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng “malibog” pagkatapos niyang magalang na tumanggi na kumain ng sili habang kumakain ng laing.
Sinabi aniya nito sa publiko: “Ah talaga, hindi ka kumakain ng sili, eh malibog ka!” Ang pahayag aniya ay ginawa sa presensiya ng ibang tao, na nagdulot sa kanya ng matinding pagkapahiya at pagkabalisa.
“Habang sumasakay kami sa sasakyan para makilala si Mayor Carmen Rosal sa Legazpi, Albay, biglang binanggit ni Arellano na single ako,” pahayag nito.
“Nang tanungin ng developer ng pabahay na si Ms. Berlin Tape ng Berlin Konstruct kung bakit ako single, malakas na napabulalas si Arellano: “Yang si ######, wala nang lalaki na magseseryoso diyan, may anak na yan eh!” “Paano, maagang naglandi!,” dagdag pa umano nito.
Salaysay pa ng nagreklamo, “Madalas magkomento si Arellano sa laki ng dibdib ko. Sa isang kapansin-pansing pagkakataon, kasama ang ibang Trustee na naroroon, malakas niyang sinabi: “Ang malas ko sa staff. Tignan mo si #####, ang liit ng dede”.
“Bukod sa kanyang aksyon na kinasasangkutan ng nabanggit sa itaas, si Arellano ay madalas na sumisigaw sa akin nang personal at sa mga tawag sa telepono, na tumatawag sa akin “mahina ang kokote”, “tanga” at “bobo”, bukod sa iba pang mapang-abusong mga termino na sa tingin niya ay angkop.”
“Sa partikular na nakababahalang pangyayari, hiniling ni Arellano na sigawan ko si Senior Vice President Atty. Joseph Quiboloy sa parehong paraan ng pagsigaw niya sa akin,” aniya pa.
Pahayag aniya ni Arellano: “Mahina ‘yang kokote mo, hindi mo alam trabaho mo. Sino mataas? Si Quiboloy o ako? Takot ka sa kanya?” “Hindi mo para respetuhin ‘yun, mas mataas ako don!”.
Tagubilin aniya ni Arellano sa kanya, “Sabihin mo sa kanya ako ang masusunod sa schedule at ako ang trustee at hindi siya. Kung paano kita sinisigawan ngayon, ganoon mo din siya sisigawan!”
Dagdag pa ng ginang, “Ibang klase si sir, walang respeto sa babae, hindi man lang niya inisip na may kapatid siyang babae at nanay. Paano kaya kung ang nanay at kapatid niya ay ganon din ang gagawin sa kanila ng boss nila, matutuwa kaya siya?”
Ang ganitong klaseng tao ay hindi dapat nabibigyan ng posisyon, maging pribado man o gobyernong tanggapan dahil marami itong aapihing babae.
106