NAKARATING sa inyong lingkod na dalawang sectoral representatives ang nakabasa ng Badilla Ngayon na ang paksang ay ang National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Siyempre, hindi gusto ng sectoral representatives na mabuwag ang NAPC dahil kahit paano ay mayroon itong pakinabang sa kanila.
Iyong isang nakabasa ng Badilla Ngayon, nagulat dahil naibunyag sa kolumn ang paghahanda nina Atty. Noel Felongco (NAPC secretary/lead convenor) at Elias Labro, Jr. (head executive assistant at chief of staff ni Felongco) ang pagtakbo sa eleksyon ng sistemang party-list sa 2022 gamit ngayon ang NAPC at ang Koalisyon ng Maralita (KnM).
Ang sabi ng opisyal na nakabasa, totoong mayroong balak sina Felongco at Labro na sumabak sa eleksyon sa 2022.
Ang banggit ng nasabing opisyal, simula ngayon ay babantayan na ng kanyang organisasyon ang NAPC, KnM, at maging sina Felongco at Labro.
Iyong ikalawang sectoral representative ay nagpadala pa ng ilang dokumentong nagdidiin na si Felongco ay lider ng KnM, maliban pa sa pagiging pinuno ng NAPC.
Si Felongco ay “interim secretary” ng KnM.
Narito ang katibayan kung saan nakasaad sa “Certificate of Appointment” ng KnM na itinalaga ni KnM Interim Secretary Felongco si Evangeline Quiambao Rodriguez (political officer ng Aeta Tribe International Foundation Inc.) sa Regional Organizing Committee ng KnM.
Kinumpirma ng mapagkakatiwalaang source na opisyal nga ng KnM si Felongco.
Opisyal din ng KnM si COS/HEA Kiko Labro.
Masasabing isang katiwalian ang pagiging pinuno ni Felongco ng NAPC at pagiging interim secretary nito ng KnM, sapagkat sa sinumpaang tungkulin ni Felongco bilang secretary at lead convenor ng NAPC, hindi dapat na pinuno pa siya ng samahan ng mga mahihirap.
Ang tama at legal ay sectoral representative siya ng mga mahihirap na pamilya na bahagi ng KnM sa NAPC.
Kahit si Labro na opisyal sa KnM ay hindi sectoral representative ng mga mahihirap na pamilya sa NAPC.
Tiyak mayroong sectoral representative ang mga mahihirap sa NAPC dahil kung wala ay lalo napapatunayang totoo ang pananaw at paninindigan ng Badilla Ngayon na buwagin na ang NAPC, sapagkat wala itong pakinabang sa paglaban at pagsugpo ng talamak na kahirapan sa bansa.
Ayon pa sa source, ang asawa ni Labro ay nakapuwesto rin sa NAPC.
Napakapalad naman ng mag-asawang Elias at Yolanda.
Pinatunayan ang impormasyong ito ng liham ni Datu Amarillo “Marcelo” Alejo, Jr. (kinatawan ng indigenous peoples sectoral group ng Southern at Eastern Mindanao sa NAPC) kay Felongco noong Abril 14 ng taong kasalukyan na si Yolanda Labro ay mayroong posisyon sa NAPC.
Atty. Felongco, tama at legal ba ito?
Ang mga nabanggit ko ay iba pa sa mga nadiskubre kong “iisa” ang opisina ng NAPC at KnM.
Basahin ninyo ang naka-post sa FB page ng KnM: “Koalisyon ng Maralita (KnM) Sambayanihan Caravan, a donation drive for the evacuees of Mt. Taal eruption would like to extend its heartfelt thanks to the following: National Anti-Poverty Commission (NAPC), KnM Cavite, KnM ZOTO, KnM Quezon City, APTC, Green Governance of the Philippines… The first set of hygiene kits, food, non-food items, medicines, and cash donations will be distributed to 600 families in Barangay Sta. Maria, Sto. Tomas, Batangas. The distribution will take place at Sta. Maria Elementary School evacuation site on Saturday, January 25, 2020… Interested individuals, parties and organizations that would like to donate and volunteer can go to the NAPC Office at Water Supply Training Center, Local Water Utilities Administration, MWSS-LWUA Complex, Katipunan Avenue, Quezon City 1105. For inquiries, contact NAPC at (02) 426-5028 / 426-5019 / 426-4956 / 426-5144” noong Enero 24ng taong kasalukuyan.
Heto naman ang naka-post sa KnM FB page nang sumunod na araw: “Koalisyon ng Maralita
Sambayanihan Caravan successfully dis tributed the first batch of hygiene kits, food items, non-food items, medicines and cash donation to 600 families of Sta. Maria, Sto. Tomas, Batangas affected by Mt. Taal Volcano eruption… Interested individuals, parties and organizations that would like to donate and volunteer, you can go to the NAPC Office at Water Supply Training Center, Local Water Utilities Administration, MWSS-LWUA Complex, Katipunan Avenue, Quezon City 1105 or you can contact our truck lines at (02) 426-5028 / 426-5019 / 426-4956 / 426-5144 for inquiries” ang nakalagay sa KnM FB Page noong Enero 25,2020.
Mayroong mga litrato ang dalawang ‘yan ng ilang opisyal ng NAPC, kasama si Felongco.
Basahin ninyo uli ang mga mensahe ng KnM sa naturang dalawang aktibidad upang huwag ninyong makalimutan na sa opisina ng NAPC ipinapadala ang mga donasyon para sa KnM at sa tanggapan din ng NAPC pinapupunta ang mga volunteer ng KnM.
Hindi ko pa alam kung ang pondo ng NAPC ay ginagamit nina Felongco at Labro sa mga proyekto at aktibidad ng KnM habang iniikot nila ang iba’t ibang pamayanan ng mga mahihirap sa Pilipinas. NELSON BADILLA
