AUGMENTATION PAY AT ANG KKK SA BI

BISTADOR ni RUDY SIM 

NANGANGANIB daw na mabawasan ng singkwenta porsyento ang tinatanggap na Augmentation Pay ng mga taga-Bureau of Immigration dahil sa napipintong pagkawala ng Chinese nationals na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO. Ito ay matapos magpalabas ng direktiba sa PAGCOR si Pangulong Bongbong Marcos na huwag nang i-renew ang lisensya ng mga POGO sa bansa. Dahil dito agad din na umepal este nagpalabas ng sarili niyang pronouncement si BI Commissioner Norman Tansingco na binibigyan niya ng hanggang animnapung araw o 60 days ang mga Tsekwa para lisanin ang bansa.

Ang nakapagtataka lang, hindi ba’t hanggang Disyembre 31 ng kasalukuyang taon ang ibinigay na taning ni Pangulong BBM sa mga POGO ngunit bakit tila may sariling pakana itong si Tansingco na taliwas sa ipinag-uutos ng Presidente? Kaya pala hindi naiwasan ni Department of Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla na ma-high blood matapos malaman na pinangunahan pa ni Tan5 si Pangulong BBM dahil sa kanyang pagkabibo.

Sa isang press conference na inilabas nitong nakaraan lang ay sagad na pagmamarakulyo ang nakita sa binitiwang mga salita ni SOJ Boying dahil bakit nga naman hindi nagsagawa ng koordinasyon ang BI bago ang direktiba ni Tansingco.

Huwag natin kalimutan na ang Island Cove diyan sa Cavite ang isa sa may pinakamalaking POGO Hub sa bansa at ang pagkalagas ng mahigit 40 libong empleyado ng POGO ang paniguradong maka-aapekto sa kita at employment ng mga Kabitenyo!

Ngunit totoo kaya ang narinig nating tsismis na involved ang sariling travel agency ni Kume Tan5 sa pagpoproseso ng mga papeles ng mga Tsekwa diyan sa Island Cove? Kung ganoon bakit kailangan niyang magmadali na walisin ang mga Tsekwa diyan? Hindi kaya nakakaamoy na ito na malapit nang mag-wakas ang kanyang termino sa pagiging “Kume” kaya bago pa man siya mamaalam sa kanyang pinakamamahal na opisina ay kinakailangan muna niyang sulitin ang kita diyan sa Island Cove?

Lucky East nga ba ang agency na involved dito, Sec. Boying? For sure alam n’yo kung sino ang nagmamay-ari ng Lucky East na ito?

Mabalik tayo sa pagkawala ng Augmentation Pay or AP sa BI. Ang isa raw naisip na paraan ng mga bossing sa ahensyang ‘yan ay ang ligwakin ang kalahati sa kabuuang bilang ng Job Orders sa ahensya. Ang pagkalagas ng JOs ang isa raw epektibong paraan para ma-sustain ang AP ng organic employees.

Sa ngayon, sinasabi na nasa 1,100 ang bilang ng JOs sa BI at kung magkatotoo man ang pag-terminate sa contract of service ng mga ito, malaking batik ‘yan sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos! Lalo pa malapit na ang eleksyon sa 2025, hindi kaya mawalan ng boto ang mga pambato ng administrasyon dahil sa gagawing ito ni Tansingco.

Samantala, ano ba ang sistema ng gagawing termination ng mga taga-BI sa kanilang Job Orders? Last in first out ba o depende sa kung sino ang may civil service eligibility o wala? Hanggang ngayon kasi ay sandamakmak ang JOs diyan na walang eligibility hanggang ngayon. Tadtad din ang accommodations na galing sa kung sino-sinong politiko! Pero huwag dapat kalimutan na ang BI lang ang ahensya na talamak ang may Kapuso, Kapamilya at Kamag-anak (KKK) incorporated! Ito ang mga dapat nang tsugihin sa administrasyon ni Tansingco!

Kundi tayo nagkakamali ay sangkatutak na ang mga naipasok ng kanyang alipores diyan lalo na ‘yung bansot na alalay niya sa OCOM na lahat yata ng kamag-anak sa Iloilo ay ipinasok at pinagkakitaan na ang Immigration. Tatakbo kaya ito sa eleksyon kaya pumopondo ng boto? Ganyan din ‘yung isang dakilang alalay niya diyan sa opisina na may pamilyang bilo-bilo ba o bola-bola. Kalat na raw sa buong kapuluan ang mga kaanak nito mula Aparri hanggang Jolo. Parang Eat Bulaga lang ah.

Bakit nakalalampas ito sa paningin ng mga panginoon sa DOJ at ng Civil Service Commission? Hindi ba noon pa man ay bawal na ang nepotismo sa gobyerno? Bakit hindi mag-conduct ng auditing of personnel ang DOJ at CSC sa BI at pansinin ang talamak na nepotismo sa ahensya.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

113

Related posts

Leave a Comment