AYUDA LANG, DEDMA SA DAGDAG-SAHOD

WALANG dagdag-sahod, ngunit may ipamumudmod na pinansyal na ayuda ngayong selebrasyon ng Labor Day.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), bilang regalo ngayong Labor Day, ang DOLE ay magkakaloob ng P1.8 billion halaga ng financial aid, kabilang ang emergency employment at livelihood assistance.

Ang cash-for-work program TUPAD ng DOLE ay magbibigay ng P100 million sweldo sa mga kwalipikado, habang maglalabas ang ahensiya ng P50 million para sa livelihood assistance sa mga trabahador sa buong bansa.

Iba ang regalo na hinihingi ng mga manggagawa. May walong petisyon ang nakahain sa mga rehiyon para itaas ang minimum wage, ngunit ayon sa ahensiya, hinahayaan nila ‘yung proseso at mekanismo para makapaghanda kung mayroong kailangang rebisahin sa mga umiiral na minimum wage sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mayroong 58 panukalang batas sa mababang kapulungan at 21 sa Senado na humihiling na dagdagan ang mga sahod ng mga trabahador sa public and private sectors.

Inaaliw na naman ang mga manggagawa. May ayuda, mahigit na 70,000 trabahong bukas sa 40 job fairs sa buong bansa. Pribadong kompanya ang magbibigay ng trabaho, ngunit hindi tiyak kung mapupunuan ang nasabing bakante at kung magiging komportable at kuntento ang mga matatanggap. Posibleng madagdagan din ang hinaing sakaling hindi makatwiran ang pagpapasahod sa mga bagong trabahante. ‘Di bale, baka ang alibi o pakonswelo ay “mabuti na at may trabaho”.

Isa pang pakunswelo: Ang lahat ng manggagawa ng pribado at pampublikong sektor ay may libreng sakay sa Light Rail Transit-Line 2 and Metro Rail Transit-Line 3 ngayong Labor Day.

Ang libreng sakay ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Panandaliang aliw at pampalubag loob na pakulo rin ito. Hindi kasi nakatutok ang pamahalaan sa tunay na problema kaya nahirati na sa pagbibigay ng sandaling ginhawa, na kapag nairaos ay balik-dusa ang mga nagpista.

Ipinagdiriwang ang Labor Day o Araw ng Paggawa bilang pagpapahalaga, pagkilala at pagpupugay sa mga manggagawa na katuwang at kabalikat sa progresibong pagbabago.

Ang unang selebrasyon ng Labor Day sa Pilipinas ay naganap noong Mayo 1, 1903, inorganisa ng Union Obrera Democratica de Filipinas, ang unang labor federation sa bansa. Abril 8, 1908, idineklara ng Philippine Assembly ang Mayo 1 bilang Labor Day sa bansa, at national holiday.

Ngayon, ang Araw ng Manggagawa ay isineselebra hindi lang ng mga parada at ibang aktibidad, kundi ng mga rally at demonstrasyon ng sektor ng paggawa.

May mga kilos-protesta dahil hindi ramdam ng mga manggagawa ang init ng kalinga ng pamahalaan. Dangal ng lahi ang mga manggagawa, ngunit kapos sa pagpapahalaga, salat sa benepisyo, kulang ang sweldo at hindi mainam ang kalagayan sa paggawa.

Lilibangin muna, bibigyan ng ayuda, aambunan ng panandaliang benepisyo at presto, may tatanawing utang na loob na naman ang mga pobre.

207

Related posts

Leave a Comment