BAGONG TAON, BAGONG PAG-ASA

EDITORIAL

NASA 60 porsyento ng mga Pilipino na tumugon sa isang survey, ang naniniwalang hindi magandang taon ang 2023 para sa kanila at sa kanilang pamilya.

Gayunman, karamihan o halos 86 porsyento ng mga Pinoy ang naniniwalang maganda ang kapapasok na taong 2024.

Kung pagbabatayan ng pamahalaan ang survey, kailangan nitong silipin kung ano ang mga dahilan ng masamang taon. Ano ang mga isyu at kontrobersiyang nangyari na dapat resolbahin agad sa kaagahan ng 2024.

At kung ano ang nakikita o nararamdaman ng mga Pinoy sa pagsasabing hindi magiging masama ang taon ngayon ay iyon ang dapat ipadama ng gobyerno nang hindi mabigo ang mamamayan sa magandang takbo ng darating na mga araw.

Ang isa sa masamang larawan na nasaksihan at umiiral pa rin ngayon ay ang franchise consolidation para sa PUV Modernization Program.

Ngayong pasukan na muli sa eskwelahan ay masusukat ang epekto ng mandatory na konsolidasyon ng mga prangkisa.

Inaasahan ng isang transport group ang “transport disaster” matapos ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program.

Mababa ang porsyento ng franchise consolidation sa Metro Manila kaya mararamdaman ang epekto nito sa daloy ng transportasyon.

Wala pang inilalabas na TRO ang Korte Suprema laban sa konsolidasyon ng mga prangkisa. Pinagkokomento lamang ng Korte Suprema ang DOTr at LTFRB sa inihaing petisyon ng transport groups.

Gayunman, umaasa ang transport group na ang bagong taon ay magbibigay ng bagong pananaw mula sa mga ahensya ng pamahalaan hinggil sa mga epekto ng programa.

Hindi patitinag ang tutol sa PUV Modernization Program. Ipinaglalaban nila ang karapatan nilang mabuhay at itaguyod ang kanilang kabuhayan.

Kung hindi patitinag ang pamahalaan sa desisyon nitong ituloy ang modernisasyon ay inaasahang katulad ng tumiklop na taon ay magiging masamang taon sa apektado ng programa, ang kasasaltang 2024.

Ito ang dapat bigyan tugon at remedyo ng pamahalaan.

Nagiging komplikado ang sitwasyon na sa una ay dapat ginawa lamang na simple.

175

Related posts

Leave a Comment