BAHAY-BAHAY NA BAKUNAHAN

SA isang pamahalaang nagkukumahog ­mangalap ng pondo, isang malaking kasalanan sa hikahos na mamamayan ang napipintong pagkasayang ng hindi bababa sa 27 milyong doses ng bakuna kontra sa nakamamatay na COVID-19.

Magkano nga ba ang halaga ng masasayang na bakuna? Sa P600 per dose, lumalabas na P16.2 bilyon ang napunta lang sa wala bunsod marahil ng matamlay na information drive ng Department of Health (DOH) na siyang nanganga­siwa sa malawakang pagbabakuna.

Ang masasayang na pondo, sapat para bigyan ng tig-isang kaban (50 kilo) ng bigas ang 8.1 milyong Pilipino na ayon sa mga pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay dumaranas ng tinatawag na involuntary hunger o ang pagliban sa pagkain – hindi dahil sa gusto lang magdiyeta kundi dahil wala talagang kakainin.

Sa datos ng National Action Plan on ­COVID-19, mas mababa na sa 500,000 katao ang nababakunahan kada araw sa kabila ng dami ng supply ng bakuna kontra sa nakamamatay na karamdaman.

Wala na ring nakikitang paghihigpit ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa kabila ng katotohanang nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 sa kalusugan ng mamamayan.

Nito lamang nakaraang araw, nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa nakikitang muling pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa mga karatig-bansa sa Asya bunsod ng bagong COVID-19 strain na tinawag nilang Omicron XE, na may pinagsamang bagsik ng Delta at ­Omicron variants.

Kung babalikan ang mga nakalipas na resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa, ang Delta ­variant ang dahilan ng pagkamatay ng hindi bababa sa 400,000 katao noong Hulyo ng nakaraang taon sa bansang India, habang ang Omicron variant naman ang pinakamabilis makahawa.

Ayon mismo sa National Task Force against COVID-19, mayroon pang nalalabing 27.5 ­mil­yong Pilipino na pasok sa tinatawag na “eligible population” ang wala ni isang turok ng bakuna kontra COVID-19.

‘Yan mismo ang dapat atupagin ng DOH — ang pagbabakuna sa nalalabing “eligible population,” lalo pa’t dikit-dikit ang mga tao sa lansangan bunsod ng mas masigasig na pangangampanyang kalakip ng nalalalapit na halalan sa Mayo.

Paano? Magbahay-bahay kayo tulad ng ginagawang pangangampanya ng mga kandidato.

84

Related posts

Leave a Comment