BAKIT GALIT ANG US SA HUAWEI?

SIDEBAR

Teknolohiyang 5G (5th Generation) na ang pinag­hahandaan ng telcos dito sa Pilipinas at kabilang ang Huawei ng China sa mga partner ng PLDT Inc. na siyang may-ari ng mobile phone companies na Smart at Sun Cellular.

Mismong si PLDT Inc. chairman at CEO Manuel Pangilinan ang nag-testing ng isang 5G-enabled Huawei phone kamakailan at indikasyon ito ng tiwala sa Huawei sa kabila ng negatibong kampanya ng US laban sa Chinese telecom company.

Abante ng isa’t kalahating taon sa 5G technology ang Huawei ng China sa mga kakompetensya nito sa buong mundo kung kaya ganoon na lang ang pagkabahala ng bansang US. Mas mabilis ng 100 beses ang 5G kumpara sa kasalukuyang wifi na gumagamit ng 4G technology.

Ang administrasyon ni US President Donald Trump ang nagsimula ng away sa Huawei nang hilingin nito sa kaalyadong Canada ang pag-aresto at kasunod na ekstradisyon ng CFO (Chief Financial Officer) ng Huawei na si Gng. Meng Wanzhou noong Disyembre 1, 2018.

Mas mura ang Huawei technology at hardware kung kaya hindi nakakapagtaka na noong 2018 ay umabot sa US$110 billion ang halaga ng smartphone na naibenta nito sa buong mundo.

Masyadong mahal ang US smartphone na Apple iPhone na dating pumapangalawa sa Korean telco na Samsung. Sa ngayon ay malayong pangatlo na lang ang Apple iPhone.

Nalampasan na rin ng Huawei ang US telcos sa 5G technology kung kaya maraming bansa na gaya ng United Kingdom at mga bansa sa Asya gaya ng Pilipinas at Malaysia ang nagte-testing na ngayon ng 5G ng Huawei.

At dahil malaking banta ang 5G ng Huawei sa US telcos, pilit na pinapa-blacklist ng Trump administration ang naturang Chinese telco na malinaw na panggigipit ng US sa China sa umiiral nilang “trade war”.

Nitong nakaraang Mayo 15, ipinag-utos ni President Trump ang pag-blacklist sa Huawei sa pakikipagnegosyo sa anumang kompanyang Amerikano. Malaking dagok ito sa Huawei dahil parehong US companies ang may-ari ng OS (operating system) na Android at ang mga apps ng Google.

Nagpahayag ng suporta si Malaysian Prime Minister Mahathir sa Huawei at sinabing magpapatuloy ang paggamit nila sa Huawei habang pi­nagdududahan ang intensyon ng US sa pag-blacklist nito sa Chinese telco.

Ang opisyal na posisyon ng ating Department of Information and Communication Technology (DICT) sa blacklisting ng Estados Unidos sa Huawei ay walang bisa ito at ang mga telcos ng Pilipinas ay patuloy na nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa Huawei gaya ng ginagawa ng PLDT Inc. ni Manny Pangilinan.

Tama lang ang posisyong ito ng DICT dahil mas makabubuti sa marami nating kababayan ang makabili ng mas murang smartphone gaya ng Huawei dahil matagal na panahon na ring maraming nahuhumaling sa napakamahal na iPhone at Samsung. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

328

Related posts

Leave a Comment