BAKIT WALANG KUMUKUHA BILANG GUEST SPEAKER KINA BBM AT SARA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang nagtatanong, kasama ako siyempre, bakit walang kumukuha bilang guest speaker kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte sa Commencement Exercises o sa graduation ng mga estudyante.

Sa social media, purong si dating Vice President Leni Robredo ang laging kinukuhang maging guest speaker ng malalaking eskuwelahan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, may mga eskuwelahan ang kumukuha sa kanya para magbigay ng inspirasyon sa nagtatapos na mga estudyante at bagama’t  hindi lahat ng imbitasyon ay inaayunan, meron pa rin siyang pinagbibigyan.

Sa nakaraang administrasyon, paborito rin ng mga eskuwelahan si Robredo bilang kanilang guest speaker pero kahit isang graduation ata ay walang dinaluhan si dating Pangulong Rodrigo Duterte o wala talagang nag-imbita sa kanya baka magmura nang magmura lang sa harap ng mga estudyante.

Kahit wala na si VP Leni sa kapangyarihan ay lagi siyang kinukuhang guest speaker kaya marami ang nagtatanong, iniiwasan ba ng mga eskuwelahan sina BBM at Sara? O ayaw lang talaga nila sa kanila?

Hindi puwedeng sabihin ng dalawang ito na wala silang oras. Ang dami nilang oras kung gugustuhin nila at hindi naman maghapon ang pagsasalita sa harap ng mga estudyante, hindi ba?

Si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay laging guest speaker kapag graduation season pero sina BBM at Sara ay wala man lang tayong narinig na naging guest speaker sa mga graduation ngayon.

Iniiwasan ba sila ng mga eskuwelahan o hindi sila pasok sa kwalipikasyon at standard na ang mga guest speaker ay dapat hindi bad influence sa mga kabataan? Ang sagot hindi ko alam, pero baka alam niyo.

Karangalan ng isang tao na kunin siya bilang guest speaker sa isang commencement exercise at imposibleng palagpasin nina BBM at Sara kung mayroong mang mag-imbita sa kanila kaya posibleng wala ngang kumuha sa kanila.

Speaking of Sara, mukhang sablay ang direktiba niya na alisin ang learning materials sa mga silid-aralan para raw hindi mawala ang pokus ng mga estudyante sa pag-aaral.

‘Yung inilalagay ng mga teacher sa loob ng kanilang classroom ay ginagastusan nila ng sariling pera at hindi naman mga display ‘yun kundi learning materials tulad ng mapa ng Pilipinas, mapa ng kanilang bayan at probinsya at kung ano-ano pa.

Ang pangunahing dahilan kaya hindi natututo ang mga estudyante ay dahil sa dami nila sa loob ng isang silid-aralan at hindi ang mga naka-display. Hindi natututukan ni teacher ang 60 estudyante kaya hindi sila natututo.

Bakit noong panahon namin, natuto naman kahit ang daming nakadikit sa loob ng aming classroom? Dahil konti lang kami. Hanggang 30 lang kami kaya walang kinalaman ang mga display na pinapaalis ni VP Sara.

84

Related posts

Leave a Comment