Nasa 25 milyon na ang mga musmos sa buong mundo na ayon sa United Nations ay displaced ng sari-saring mga giyera sa iba’t ibang parte ng daigdig.
Samantala, sa Pilipinas, nasa 30,000 hanggang 50,000 na mga musmos ang direktang naaapektuhan taun-taon ng mga bakbakan sa pagitan ng ating mga sundalo at mga grupong katulad ng MILF, MNLF, NPA, Abu Sayyaf at iba pang mga teroristang grupo.
Sa mga kalye sa Metro Manila, karaniwan nang nakasasaksi tayo ng mga batang hamog na ang mga lansangan na ang nagsisilbing tahanan nila at ang mga kapwa nila batang hamog ang nagsisilbing pamilya. Hindi pa kabilang sa mga iyan ang mga namamalimos na mga bata sa mga intersection, mga nagtitinda ng sampaguita at mga umaakyat ng mga dyipni upang makapanghingi ng barya sa mga pasahero.
Ordinaryo na ring makakita ng isang buong pamilya na magkakasamang nangangalakal at ang kanilang munting kariton ang nagsisilbing tahanan na rin nila.
Ayon sa pag-aaral at obserbasyon ng Dutch anthropologist na si Neil Mulders, ang mga Filipino ay may malalim na ibahang pagtrato sa kung ano ang pampribado at ano ang pampubliko. Para sa Filipino, ang pampribado ay para sa mga kamag-anak at kaibigan lamang kung saan may malaking ginagampanang papel ang utang na loob.
Ang pampubliko naman, ayon kay Mulders, ay ang kagubatan kung saan pupuwede halos lahat ng pamamaraan upang madala ang mga kalakal mula pampubliko papuntang pampribado. Kaya naman, ayon sa kanya, walang tiwala ang Filipino sa kapwa Filipino pagdating sa mga lugar at sitwasyon na pampubliko. Kaya naman, ayon na rin sa anthropologist, walang totoong diwa ng bayanihan sa Pilipinas na karaniwang iniyayabang nating mga Filipino.
Sa bandang huli, ang kultura ng pagkakanya-kanya ang latigo na lumalatay sa kaluluwa ng mga kabataang Filipino.
Bata, bata, turuan mo nga kaming mga nakatatanda. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
244