BAWAL TAMAD SA BAGONG PILIPINAS

EDITORIAL

BAWAL ang tamad at makupad sa pamahalaan. Bawal ang mapang-api at naghahari-harian. Bawal ang waldas. Ang hindi bawal: honesty.

Ito ang buod ng mensahe ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa Quirino Grandstand.

Kailangan daw na unahin ang kapakanan ng taumbayan.

Maganda ang mensahe kung mabibigyan ng tunay na anyo, sa gawa at hindi sa mga salitang galing lang sa bibig.

Ang pagiging tapat at hindi pangungulimbat ay matagal nang panawagan ng mga may malasakit sa sambayanan, ngunit hindi maapula dahil sa sistema at walang hakbang na ginagawa ang pamahalaan sa pagsugpo ng katiwalian.

Hindi behikulo ang Bagong Pilipinas movement sa pag-angat ng buhay ng mamamayan.

Pinagbintangan itong plataporma para isulong ang inisyatiba na magtutulak ng Charter change.

Pinabulaanan ito ng pamahalaan, ngunit hindi maawat ang mamamayan sa pagbatikos sa adhikain ng Bagong Pilipinas.

Marami ang kumukuwestyon sa Bagong Pilipinas movement na noon pa umano dapat inilunsad at ipinatupad.

Tinuligsa ng grupo ng mangingisda at magsasaka ang Bagong Pilipinas movement. Bigo umano itong tugunan ang ugat ng kanilang paghihirap at hindi ito solusyon sa kanilang mga problema.

Para sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang promosyon ng administrasyon ay hindi mag-aangat ng buhay ng mahihirap kung ang parehong pabigat na polisiyang pang-ekonomiya ay mananatili.

Ayon sa grupo, ang mga mangingisda ay nanatiling pinakamahirap sa bansa dahil sa kabiguan ng gobyerno na bigyan ng sapat na suporta ang produksyon ng mga ito sa pamamagitan ng mga subsidiya at proteksiyon ng marine and aquatic resources.

Sinabi rin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang “Bagong Pilipinas”—na nagpapaalala ng Bagong Lipunan ng pinatalsik na si Ferdinand Marcos Sr.— ay hindi makatatakip sa matagal nang mga problema ng bansa.

Kung seryoso ang gobyerno na masolusyunan ang kahirapan, kagutuman, katiwalian at karahasan ay kailangan nitong tingnan ang tunay na larawan na hanggang ngayon ay nasa harapan lamang.

Totoo at epektibong mga solusyon sa mga problema ang dapat ilatag at dapat gawin ng gobyerno.

219

Related posts

Leave a Comment