BAYAN TALO SA KUMPLIKADONG MARCOS-DUTERTE UNITEAM

EDITORIAL

NANINDIGAN si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na walang aasahan ang ICC sakaling maglabas ito ng arrest warrant laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Sa madaling salita, hindi niya isusuko si Duterte sa ICC, kung saan may kinakaharap na kaso ang dating pangulo kaugnay ng war on drugs.

Iginiit ni Marcos na hindi magpapasaklaw ang Pilipinas sa ICC dahil gumagana ang hudikatura sa bansa at ang puwersa ng pulisya kaya hindi sila dapat manghimasok sa Pilipinas.

Aniya, maaari lamang pumasok ang ICC kung ang isang bansa ay walang kaayusan at hindi gumagana ang sistema ng hustisya.

Libo-libo katao ang napatay sa anti-drug operations sa panahon ni Duterte.

Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019 matapos umpisahan ng tribunal ang imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng drug war.

Ang paninindigan ni Marcos na hindi isusuko si Duterte sa ICC ay nagkaroon din ng sari-saring reaksyon mula sa mamamayan, na ikinabit ang ‘hindi isusuko” na katwiran sa kumplikado nang relasyon ng Pangulo sa pamilya Duterte, maliban kay VP Sara, sa kabila ng mga banat sa kanya ng mga Duterte.

Suspetsa ng marami, ang desisyon ni Marcos hinggil sa ICC ay paghilot sa nasabing komplikasyon at maiwasan na ang mga diskusyon at hindi pagkakaunawaan sa hinaharap.

O ‘di kaya ay pasimpleng tugon lang ito ni Marcos na pinaiiral din ang kaplastikan.

Kung isa lamang ito sa mga palabas ng dalawang kampo ay asahan na ang publiko ang apektado na kumplikado na rin ang kaisipan sa kung ano ang tunay na layunin ni Marcos sa pagsalag kay Duterte laban sa ICC.

Habang sila’y nag-aaway nganga ang taumbayan.

Ang tanong: kakandiliin mo ba ang taong naninira at umaalipusta sa iyo?

At ang pinakamalaking katanungan ay kung ano ang epekto ng hindi pagsuko ni Marcos kay Duterte sa ICC sa relasyon ng bansa sa ibang nasyon, at ang maaaring danyos nito sa mga suporta at ipinangakong pamumuhunan ng ibang bansa sa Pilipinas.

Sabagay, madali ring baguhin ang desisyon.

41

Related posts

Leave a Comment