Maaaring ngayon lamang narinig ng ating mga kababayan ang bansag na “Beteranong OFW.“ Ito ay katagang ginagamit ng ating mga kabayani para tukuyin ang mga dating Overseas Filipino Workers (OFW) na karamihan sa kanila ay nagretiro na. Kasama rin sa hanay na ito ang OFWs na nagkasakit, naparalisa at naratay nang tuluyan habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ang himutok ng mga kapwa advocates at OFW leaders ay kung bakit mas binibigyang halaga o pansin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga isyu sa distressed workers lalo na ang mga biktima ng illegal recruiters na hindi naman miyembro ng OWWA .
Samantala ang mga OFW na nagbayad ng kontribusyon sa OWWA na maski minsan ay hindi man lang humingi ng tulong o ayuda sa OWWA ay tila wala man lang programa para sa mga ito. Isa nga sa inihalimbawa ng isa sa respetadong leader ng OFW sa Riyadh, Saudi Arabia na si Hanna Mosaeed Coss ay ang sitwasyon ng isang OFW na 26 taong nagtrabaho sa Saudi at kahit minsan ay hindi nag-avail ng anumang serbisyo ng OWWA.
Ayon kay Coss,ang nasabing OFW ay na-stroke at hindi na makapaghanapbuhay. At nang lumapit upang humingi ng tulong pinansyal ay sinabi na walang programa para sa mga dating OFW kahit pa kahit minsan ay hindi naman nito natikman ang benepisyo ng pagiging miyembro ng OWWA.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac medyo natatagalan lamang ang paghalukay ng records ng mga nauna pang OFWs upang tuluyan nang maibigay at pakinabangan ang OWWA Rebate.
At bukas, araw ng Lunes ay ako ay sasailalim sa OWWA Institution Briefing. Dito ay aking lalong malalaman at matututunan ang lahat ng polisiya, programa at iba pa upang aking maging gabay sa pagsisimula ng aking tungkulin bilang miyembro ng OWWA Board of Trustee.
Aking hihikayatin ang kabuuan ng OWWA Board of Trustee na silipin at pag-aralan ang mga dagdag benepisyo na dapat na maipagkaloob sa mga “beteranong OFW” bukod pa sa OWWA Rebate na ipagkakaloob sa mga dating miyembro nito.
Kabilang dito ay ang mga sumusunod na mungkahi na ipinadala sa akin ng OFW Coalition for Development sa pamumuno ni Normilah A. Acampong. Kabilang sa mungkahi ay ang pagpapalawig ng membership sa OWWA katulad halimbawa ng pagkakaroon ng lifetime membership o isama o patuloy pa rin na maging boluntaryong magbabayad ng membership ang mga datihan o retiradong OFW upang patuloy na makatanggap ng mga benepisyo katulad ng medical, burial at loan assistance.
Iminumungkahi rin na siguruhin ang undocumented OFWs ay hayaang maging miyembro kung sakali na sila ay makahanap ng tamang employer sa ibang bansa. Ilan lamang ito sa maraming mungkahi na ipinadala sa akin ng grupo ng OFWCD na aking ipaparating sa OWWA Board meeting. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
148