KARANIWANG bulag ang publiko pagdating sa lifestyle ng mga senador dahil tahimik ang mga ito pagdating sa usapin kung gaano sila kayaman. Gayunpaman, sadyang walang lihim na kayang itago sa mahabang panahon.
Sa palitan ng patutsada sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Dick Gordon, sukdulang maungkat pati ang pinakatatago at iniiwasang mabunyag – ang magarbong pamumuhay sa gitna ng paghihirap ng mamamayan.
Sipatin natin ang mga impormasyong iniligwak nila laban sa isa’t isa.
Unang pinukol ni Gordon ang Pangulo dahil sa pagpasok ng matandang Duterte sa isang negosyo – isang tindahan ng mga mamahaling relo sa Makati Mall. Pero kwidaw, ‘di ko pa nakitang nagsuot ng magarbong relo ang Pangulo.
Si Gordon walang tindahan ng magagarang relo pero bongga ang longtime Olongapo mayor at SBMA chairman. Dangan naman kasi, ang kanyang karaniwang suot sa tuwing dadalo sa plenaryo – iba’t ibang klase ng Rolex watches. Magkano nga ba ang Rolex watch? Naglalaro lang naman sa P400K-P2.5 milyon bawat isa!
Ang sasakyan ng Pangulo, pag-aari ng gobyerno. Pero si Gordon na pinakamaingay sa Senado, lulan ng Cadillac Escalade SUV na nagkakahalaga ng P17M – oops, ‘di pa kasali ang iba pang koleksyon ng senador.
Saan nakatira ang Pangulo?
Saan pa ba – eh ‘di sa Malakanyang kung saan naroroon ang kanyang tanggapan. Ang kanyang bahay sa Davao City, simple lang. Pero si Gordon, sadyang nakaka-TL (tulo-laway). Kasi naman, bukod sa kanyang mansyon sa Olongapo kung saan siya nagsilbing alkalde sa mahabang panahon, meron din pala siyang condo units sa Pacific Plaza sa BGC (Taguig). Ang halaga – tumataginting na P90M hanggang P250M lang naman.
But wait, there’s more. Meron pa palang isa – gamit naman ng kanyang babaeng anak.
Taong 2016, nagpasya ang Korte Suprema at inatasan si Gordon na ibalik ang P86M pondong ginastos noong mga panahong nasa ilalim pa ito ng pamumuno ng senador. Nakupu!
2022 na, bakit hindi pa rin isinauli ang pera, batay na rin sa Notice of Disallowance na giit ng Commission on Audit?
Heto pa – kaladkad din pala si Gordon sa pork barrel scam, ayon sa Pangulong Duterte, huwag iboto ang reelectionist senator na isinangkot mismo ng sentensyadong pork barrel queen Janet Napoles na diumano’y nag-abot ng P8M kay Gordon para sa kampanya.
‘Di naman daw tsismis ang nakalap na impormasyon ng Pangulo. Katunayan, may address pang kalakip ang pasabog. Dun umano sa 36C South Pacific Garden Unit ng Pacific Plaza naganap ang abutan.
Sa mga pasabog ng Pangulo, si Gordon kinabog. Sa Magic 12, siya tuloy ay nahulog!
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)