Kamakailan, may mga pandaigdigang pangyayari tayong namalas kaugnay ng pagbabago ng klima na nag-udyok sa mga eksperto na magdeklara ng tinatawag na “climate emergency.”
Ilan sa mga ito ay ang ganap na pagkatunaw ng mga iceberg sa Greenland, ang pagtalaga ng Hulyo bilang pinakamainit na buwan sa kasaysayan, at ang deklarasyon ng mga eksperto na mayroon na mula 18 buwan hanggang isang dekada na lamang ang nalalabi para umaksyon ang lahat. Ang deklarasyon ng climate emergency ay nangangahulugang pagsasagawa ng kagyat na aksyon at polisiya sa paghahanda laban sa pagbabago ng klima ng higit pa sa itinatalagang mga target ng gobyerno at ng mga pandaigdigang kasunduan.
Kapansin-pansin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay naglabas ng pastoral letter noong July 16, 2019 na humihimok ng kagyat na aksyon sa mga parokya ayon sa deklarasyon ng climate emergency ng Santo Papa. Ayon sa pandaigdigang talaan (www.caceonline.org) ng Council and Community Action in the Climate Emergency (CACE), higit 800 mga local na konseho na ang nagdeklara ng climate emergency, kasama ang Lungsod ng Bacolod at bayan ng Tolosa sa Pilipinas.
Hindi maikakaila na ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamatinding nakararanas ng hagupit ng nagbabagong klima sa buong mundo. Ang nakaambang tuluyang pagkatunaw ng mga iceberg sa North at South Pole ay lalong magpapatindi sa pag-angat ng ating karagatan, na siya ring magpapalala sa epekto ng daluyong o storm surge tuwing hahagupit ang matitinding bagyo, lalo na kapag papalapit na ang Disyembre. Ang deklarasyon ng climate emergency ay napapanahong aksyon na dapat isaalang-alang ng bawat lokal na pamahalaan, kaakibat ng pagrepaso ng kanyang mga lokal na plano tulad ng Local Disaster Risk Reduction and Management Plan (LDRRMP), kaakibat ng Local Climate Change Action Plan (LCCAP). Mahalagang pagtuunan dito ng mga LGU ang tinatawag na hazard and vulnerability assessment upang malaman kung sinu-sino at anu-anong sektor ang makararanas ng pinsala dulot ng pagbabago ng klima at mga kaakibat nitong kalamidad. Mahalagang naitatalaga sa mga lokal na plano ang mga preparasyon at tamang mga hakbang upang maiwasan o ‘di kaya ay mabawasan ang epekto ng nakaambang pinsala. Kaakibat sa tamang pagplano ang pagsangguni sa mga eksperto at kaukulang mga ahensya ng gobyerno, kung kinakailangan.
Tayo’y umaksyon bago mahuli ang lahat.
Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag email sa Ilagan_ramon@yahoo.com or magmensahe sa FB: Mon Ilagan Account Two (Maging waIs Ka! / MON A. ILAGAN, MPM)
152