CORRUPTION IBINUBUKO NG KALAMIDAD

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang nangangamba na kapag dumating ang kinatatakutang “The Big One” sa National Capital Region (NCR) ay 48,000 ang magiging casualties at $48 billion ang masisirang mga ari-arian at imprastraktura.

Maaaring lalo na sa imprastraktura dahil animin na natin, maraming kabalbalan ang ginagawa sa mga proyektong imprastraktura, hindi lang sa national level, kundi maging sa mga local level ay malala.

Ang tagal na nating naririnig na may mga congressman ang nanghihingi ng komisyon sa bawat proyektong inuuwi nila sa kanilang distrito at mga senador na naglalagay ng mga project sa kanilang mga paboritong bayan at probinsya lalo na ‘yung nagbigay sa kanila ng maraming boto.

Marami sa mga congressman at local executives ay mga kontratista mismo pero siyempre walang aamin dahil hindi naman nakapangalan sa kanila ang construction companies na laging nananalo sa bidding sa kanilang projects.

Karamihan din sa public works and highways, hindi lamang sa national level kundi sa mga district at mga city at municipal level ay nakalulula ang kanilang lifestyle at maraming ari-arian na nakatago siyempre pero alam mong sa kanila ang mga iyon.

Kaya bihira kang makakita ng mga proyekto na sumusunod sa standard na itinakda ng batas as in substandard. Bakit? Alam niyo na ang dahilan. Wala namang kontraktor ang gustong magpalugi kung hindi construction company mismo ng mga pulitiko ang gagawa ng proyekto dahil sa mga komisyon.

Kaya ngayon pa lamang ay tinatayang $48 billion ang masisirang ari-arian at mga imprastraktura dahil alam ng lahat na maraming substandard na proyekto dahil sa mga kabalbalan ng mga pulitiko at mga opisyales ng gobyerno.

Paanong hindi masisira sa 7.2 magnitude na lindol ang mga substandard na proyekto? Talagang masisira ang mga iyan at magiging dahilan ‘yan ng pagkamatay ng tinatayang 48,000 katao. Lupit nila ‘di ba?

Sa lindol na nangyari sa Sarangani at General Santos City noong November 17, maraming imprastraktura tulad ng kalsada na kung walang bakal ay sing-liit ng hinliliit ang bakal na inilagay na magpapatibay sana dito.

Ganyan din ang kalsadang ginagawa sa mga probinsya na proyekto ni Mayor. Basta binubuhusan na lang ang kalsada na walang inilalatag na bakal kaya ang daling masira kahit walang lindol.

Hindi mangyayari yan kung hindi pinagnanakawan o kinukupitan ang isang proyekto pero mukhang uso eh dahil wala naman sumisita sa kanila lalo na ‘yung mga kalaban nila sa pulitika dahil gawain din nila noong nakaupo sila.

Marami ring mga pribadong bahay ang masisira dahil hindi naman pinapasyalan ng local building officials ang project na inaprubahan para alamin sana kung nasusunod ba ang nasa plano para kapag lumindol ay ligtas ang mga taong nakatira. ‘Yan tayo eh.

92

Related posts

Leave a Comment