Halos maglilimang buwan nang ibinukas sa publiko ang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Paranaque City na inaasahang magseserbisyo para sa may 100,000 pasahero kada araw na papunta at paalis sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite.
Ito ang itinuturing na kauna-unahang moderno at world class landport sa bansa.
Ang PITX ay binuksan noong Setyembre 2019, na noong una ay itinuturing itong ‘bangungot’ ng mga commuters dahil sa hirap na kanilang dinaras dahil kulang sa kahandaan ang pagbubukas nito particular ang kakulangan ng mga public utilities (PUVs) na maari nilang masakyan papunta at palabas ng PITX.
Wala naman silang mapagpilian dahil ibinawal na rin ang kanilang mga dating sinakyan mga bus at mini-bus na diretsong Baclaran o hanggang Lawton, kaya ang mga estudyante at empleyado ay nali-late sa kanilang pagpasok sa kani-kanilang klase at trabaho , ayon sa pagkakasunod.
Sa pag-uwi naman inaabot sila ng madaling araw sa paghihintay ng mga bus para makauwi lamang.
Ngunit habang tumatagal, unti-unti nang naayos naman ng Department of Transportation at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga hinaing ng mga commuters at unti-unti na ring napupunan ang kakulangan ng mga nagseserbisyong mga PUVs kaya nababawasan na rin ang stress at nakukuha na nila ang loob ng mga pasahero matapos sila ng 20 bagong ruta papunta at palabas sa nasabing bus terminal.
Gayunpaman, habang umaayos na ang daloy ng trapiko sa PITX, tila unti-unti naman itong sinisira ng ilang abusadong indibidwal.
Tulad ng mga jeepneys na binigyan ng ruta sa nasabing landport ay nagsisimula na sa kanilang nakagawiang illegal na gawain na ‘cutting trips.”
Gaya sa personal kong nasaksihan nitong Pebrero 6, sa nasakyan naming dyip na may rutang FTI-PITX at vice versa. Nang dumating ang dyip, nagmamadling sumukay ang mga pasahero dahil halos 25 minuto na sila sa pilahan at mahuhuli na sila sa kanilang pinapasukan.
Narinig naming sa pag-uusap ng dispatcher at ng driver na gusto lamang ng huli na isakay na mga pasahero ay hanggang MRT-LRT station sa Pasay dahil matrapik papuntang FTI.
Nang hindi pumayag ang dispatcher dahil iyon ang kanyang ruta, pinababa ng driver at ng kanyang barker ang mga sakay na pasahero, subalit nagkaisa ang mga nakasakay na hindi bumaba dahil matiyaga silang pumila at naghintay, tapos pababain sila.
Napilitan ang mamang driver na bumiyahe na lamang subalit nang magbabaan ang sakay nitong pasahero at dalawa na lang ang naiwan ay inilipat nila ang naturang mga pasahero sa ibang jeep na patungong FTI at umikot na sila sa may Magallanes pabalik sa PITX.
Dapat siguro tutukan ng DOTr at LTFRB ang problemang ito at patawan ng kaukulang parusa ang mga lumalabag tulad nang pagkansela sa ibinigay na prangkisa sa mga driver na ito na mahiling mag-cutting trip.
Kawawa naman ang pasahero lalo na kung senior citizen, gayundin ang mga pasahero na maraming dalang bagahe, at yaong nagmamadali nang makapasok na kanila pababain.
Dapat i-screen nang mabuti ang mga papayagang PUVs sa nasabing ruta dahil sila lang ang inaasahan ng mga pasahero na masasakyan papasok at palabas sa nasabing terminal. Hindi dapat payagan ang mga abusadong mga driver na walang konsiderasyon sa kanilang mga pasahero, kumita lang ng malaki. Kaya habang maaga pa ang tanggalin na sila. (POINT OF VIEW / NEOLITA R. DE LEON)
134