Huwag na tayong magtaka na sumisikip talaga ang mga kalsada sa Metro Manila dahil hindi naman nadadagdagan ang mga kalsada pero parami nang parami ang mga sasakyan.
Ilang milyong sasakyan ba ang naidadagdag sa mga kalsada sa Metro Manila taun-taon? Pero nadadagdagan ba ang mga kalsada? Hindi naman ‘di ba? Kaya kahit anong gawin ng gobyerno para mapaluwag ang mga kalsada sa trapiko ay wala pa ring mangyayari.
Tingin ko, wala ring silbi ang color coding na ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority dahil maraming sasakyan pa rin ang walang plaka at tanging conduction sticker ang pagkakakilanlan sa kanilang mga oto.
Marami pa ring sasakyan na nabili noong Hunyo 2016 ang wala pa ring plaka hanggang ngayon dahil ang inuuna ay ang mga nabili noong magsimula ang Duterte administration.
Hindi ko alam kung pinupulitika pa rin ang plaka ng mga sasakyan kaya ‘yung mga sasakyang nabili noong PNoy admin ay hinahayaan na wala munang plaka. Baka pagkatapos na lang ng Duterte administration sila magkaroon ng plaka.
Ang masama, maraming may-ari ng mga bagong sasakyan ang nagsasamantala sa situwasyon dahil kahit may plaka na sila ay isang linggo pa rin nilang nagagamit ang kanilang sasakyan.
Papaano? May mga napapansin akong sasakyan na inaalis ang kanilang plaka kapag coding ng kanilang plaka at ibabalik ang kanilang conduction sticker para magamit nila ang kanilang sasakyan.
Hindi naman sila sinisita dahil hindi naman alam ng traffic enforcers kung may plaka na ba o wala pa ang sasakyan na gumagamit pa rin ng conduction sticker sa kanilang sasakyan.
Alam kasi ng traffic enforcers na marami pa ring sasakyan ang wala pang plaka hanggang ngayon lalo na ‘yung mga nabili bago ang Duterte administration kaya malay ba nila kung may plaka na ang mga gumagamit pa rin ng conduction sticker.
Ilang daang libong sasakyan na bagong bili lang at may plaka na agad ang nag-aalis ng kanilang plaka sa araw ng kanilang coding scheme? Mantakin mo ang epekto n’yan sa mga kalsada?
Para sumunod ang lahat sa color-coding, ilabas ang lahat ng plaka, nabili man noong nakaraang administrasyon ang sasakyan o hindi para walang magsasamantalang motorista. Kuha niyo?! (DPA /BERNARD TAGUINOD)
130