Nag-uuulan. Kasama niyan ang pagdami ng lamok sa kapaligiran. May mga kaso na naman ng dengue.
Ngayon maaalala rin ng taumbayan kung ano na nga ba ang nangyari sa mga kasong naisampa, isasampa, mga pag-aaral para paghahanda ng mga karagdagang kaso at mga eksaminasyon ukol sa mga biktima ng Dengvaxia.
Huwag sanang kalimutan ang pananagutan ni Noynoy kasama ang mga miyembro ng kanyang Dengate Gang ukol sa malinaw na multi-bilyong pisong scam na ito.
Tunay naman kasing matining at malinaw ang pananagutan sa pagkakaineksyon sa may 837,000 mga batang Filipino ng peligrosong Dengvaxia experimental vaccine.
Plunder at genocide talaga ang nararapat na kasong kinakaharap ng mga sangkot dito.
Ayon sa imbestigasyon sa Senado: 1) alam na ng mga nagsabwatan na may ebidensya na delikado ang Dengvaxia sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago pa man pinilit na isyuhan ito ng Certificate of Product Registration; 2) ang Phase 3 trial ng Dengvaxia ay hindi pa tapos kung kaya’t malinaw na isinugal ang buhay ng ating mga kabataan; 3) mahiwagang hindi lumabas sa local analyses ang mga ebidensya na nakasasama ito sa mga seronegative at 4) ang World Health Organization ay hindi dapat inirekomenda ang Dengvaxia maging sa mga lugar na may high prevalence ng dengue.
Inamin rin ng kompanyang Sanofi, manufacturer ng Dengvaxia, bagama’t huli na, na nakasasama nga ang Dengvaxia para sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue. Kaya sa pag-aming ito, ang lahat ng nagkakasakit at namatay na mga seronegative ay pinaniniwalaang kagagawan ng Dengvaxia.
Sa mismong salita na lamang ng manufacturer ay swak na sana sa korte ang mga ito at ang kanilang mga kinasabwat sa pamahalaan upang mapadali ang pagtuturok nito sa mga batang Pilipino.
Sinabi na rin ng ekspertong si Dr. Scott Halstead na napagsabihan na ang manufacturer ng Dengvaxia na maaaring magdala ng health disaster ang kanilang experimental vaccine sa bansa ngunit itinuloy pa rin at nakamamangha ang dami ng mga madaliang pinagtuturukan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
102