DAPAT MAGKAISA TAYO LABAN SA POGO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG dami nang krimen ang kinasasangkutan ng mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Corporation (POGO) na pinayagan ng nakaraang administrasyon na mag-operate sa bansa dahil sa paniniwalang makatutulong ang mga ito sa ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa kinasasangkutang mga krimen ng mga nagtatrabaho sa POGO ay prostitusyon, kidnap for ransom, murder, human trafficking, hindi pagbabayad ng tamang buwis at sa higit sa lahat, illegal gambling.

Pawang Chinese nationals ang nagpapatakbo at nagtatrabaho sa mga POGOhan sa Pilipinas at kaya dinala nila dito ang online na sugal dahil bawal ito sa China at hindi ubra roon ang mga krimeng ginagawa nila dito.

Pero sa kabila nga n’yan, may mga kababayan pa rin tayong kumakampi sa kanila at ang mga awtoridad pa ang kanilang binabanatan imbes na ang mga POGOhan dahil sa mga krimen na nangyayari sa ating bansa ngayon.

Tulad na lamang ang raid na isinagawa ng Games and Amusement Board (GAB) kasama ang Intelligence Division ng Criminal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa isang POGOhan sa Pasay City noong December 23, 2023, imbes na suportahan ang mga awtoridad ay sila pa ang tinitira at inaakusahang akyat-bahay.

Naging malaking isyu ang operasyon ng GAB at DILG nang sakalayin nila ang Tritech Technology Corp na bagama’t lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay natuklasan ng raiding team na iba ang kanilang Internet Gaming License (ILG) na ipinakita sa laman ng kanilang Website.

Maliwanag na ilegal ito at posibleng taktika ‘yun para makaiwas sila sa pagbabayad ng tamang buwis sa paggamit ng maling IGL pero nakalulungkot na ang mga awtoridad pa ang inaakusahang akyat bahay.

Nakalulungkot lang na kahit ang mga legal na pagsalakay ng mga awtoridad dahil may bitbit naman ang mga ito na Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) mula sa korte sa Pasay City, ay kinukulayan pa at para bang ang kinakampihan pa nila ay ang Chinese nationals.

Paano natin mare-resolba ang ilegal na operasyon ng mga banyagang POGO kung bawat legal na pag-raid sa kanilang opisina ay lalagyan ng kulay. Dapat iwasan natin na maging personal para sirain ang awtoridad sa ganitong uri ng problema sa ating lipunan.

Hahayaan ba natin na manatili sila sa ating bansa at magkalat dito eh ang dami na nilang mga krimeng nagawa? At ang masaklap pa, hindi natin alam kung naparurusahan ba sila o hindi.

Karaniwan nating naririnig na dine-deport lang sila kahit ang bigat ng kasalanang kanilang nagawa sa ating bansa. Kung Pinoy ang nakagawa ng krimen, malamang ay mabubulok sila sa Bilibid n’yan.

Kailan lang ay may Pinoy na binitay sa China dahil sa ilegal na droga na ipinadala lang sa kanya pero dito sa atin, ang bait natin sa mga kriminal na Chinese nationals.

66

Related posts

Leave a Comment