RAPIDO Ni PATRICK TULFO
SA ikalawang pagkakataon nga ay na-bypass na naman ang kumpirmasyon ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa Commission on Appointment sa pagdinig noong Lunes.
Ayon kay Sen. Migs Zubiri, na siyang puno ng maimpluwensyang mataas na kapulungan, hinihintay pa nila ang mga dokumentong nagpapatunay na si Sec. Tulfo ay isa nang ganap na Filipino citizen. Nauna nang inamin ni Sec. Tulfo na taong 1980s nang maging American citizen siya na tuluyan naman niyang tinalikuran nito lang 2022 bago siya iniupo upang pamunuan ang DSWD.
Ayon kay Sec. Tulfo, nakahanda na ang kanyang mga dokumento sakaling ipatawag siyang muli sa Senado.
Ilan pa sa ibinabatong issue sa kalihim ay kasong libel kung saan sya nahatulan noong siya ay mediaman pa. Inungkat din ang pagkakaroon niya ng maraming anak.
Ayon sa kaibigan nating abogado na si Atty. Nelson Borja, walang nakasaad sa konstitusyon ng Pilipinas na nagbabawal sa sinomang convicted sa kasong libel na humawak ng anomang posisyon sa gobyerno o public office. Kaya wala s’yang nakikitang dahilan para gawin itong basehan sa kumpirmasyon ni Sec. Tulfo.
Idinagdag din ni Atty. Borja na hindi rin pwedeng gamitin kay Sec. Tulfo ang pagkakaroon niya ng 10 anak. Wala umanong koneksyon sa personal niyang buhay ang pagiging epektibo niya bilang kalihim ng DSWD. Sa halip, mas nakikita nga ng publiko ang mga nagawa na ni Sec. Tulfo kahit ilang buwan pa lamang siya sa pwesto.
Sa umpukan nga ng mga kasamahan sa media, naging biruan tuloy kung sino sa Senado at Kongreso ang may iilang anak lamang sa iisang asawa? Mabibilang mo lang daw siguro sa daliri ang matino d’yan.
Kaya hindi mo maaalis sa isip ng marami na tila pinipersonal si Sec. Tulfo. Sabi ng isang kaibigang mediaman, maaaring “threatened” daw ang mga nakapwesto sa Senado at Kongreso sa nagiging popularidad ng mga Tulfo ngayong parte na ang mga ito ng gobyerno.
