KAHIT anong polisiya ng gobyerno, may kumokontra.
Kung minsan, ‘yung iba, may nasasagasaan talaga. Kaya hayun, kinokontra ng ilang sektor.
Pero alam naman natin na dahil sa kasalukuyang krisis, kailangan ng pamahalaan ang electronic sabong o e-sabong.
Bunga nito, binigyang-katwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang desisyon na hindi itigil ang operasyon ng mga e-sabong sa bansa.
Kumbaga, hindi maaaring masunod ang Senado. Hindi naman nila alam ito.
Ang Palasyo ang naghahanap ng solusyon para maibsan ang epekto sa ekonomiya ng pandemya.
Kung maaalala, inirekomenda ng mga senador na suspendihin ang operasyon ng mga online sabong.
Bunsod daw kasi ito ng sunod-sunod na pagkawala ng mga sabungero simula noong nakaraang taon.
Si Pangulong Duterte na mismo ang nagsabi na aabot sa P640 milyon ang kinikita ng pamahalaan mula sa operasyon ng e-sabong.
Sa kanyang regular na Talk to the People, minsan pang ipinagtanggol ni Duterte ang kanyang desisyon.
Kailangan daw na huwag pahintuin ang operasyon ng e-sabong sa bansa.
Sa kabila naman ng mga panawagan matapos ang pagkawala ng mahigit 30 sabungero, hindi natinag dito ang chief executive. “Baka nagdududa kayo bakit hindi ko hininto. Hindi ko hininto kasi kailangan ng pera sa e-sabong ng gobyerno. I’ll make it public now, it’s P640 million a month. And in a year’s time, it’s billion plus. Saan tayo maghanap ng pera ng ganoon na kadali na siguro?” wika ng Presidente.
Ito ang dahilan kaya ibinasura ng Palasyo ang resolusyon ng Senado.
“You know, when we allow a gambling… it’s legal so pag-ano eh, tanungin mo ano ang nagawa ng e-sabong diyan kung magpatayan?… how can you stop crime and criminality? It’s a good study of crime and punishment, actually. It has nothing to do…” pahayag pa ni Duterte.
Well, igalang na lang po natin ang pasya ng Pangulong Duterte.
Tanggapin na lang natin ang katotohanan na malaki talaga ang naitutulong ng e-sabong sa mga mamamayan, sa iba’t ibang sektor, local government units (LGUs), at lalo na sa national government.
257