HINDI na talaga biro at nakakapraning na ang nararanasan nating trapik araw-araw sa Metro Manila at sa mga kalapit na lugar na labis nang nakaaapekto sa ating ekonomiya at sa pamumuhay ng mga mamayan.
Halos araw-araw na lamang ay nai-stress ang commuters, at motorista dahil sa mahabang oras na ginugugol sa trapik sa kanilang pagpasok sa trabaho, schools at iba pang pupuntahang lugar at pag-uwi sa kanilang mga bahay.
Ang usapan nga ngayon tungkol sa pupuntahang meeting, family gatherings, o anumang lakad sa Metro Manila, ang karaniwang maririnig mo sa iyong kausap, ‘Good luck sa trapik! Agahan mo lang!” Ganito na ito kalala, kaya unhealthy at unproductive na ito.
Hirap na hirap na sa kaa-adjust sa oras ang mga pumapasok sa trabaho at mga estudyante sa kanilang oras para lang hindi ma-late, subalit wala pa rin silang assurance dito dahil napaka-unpredictable talaga ang sitwasyon ng trapiko.
Ngayon ko nga nararanasan na gumising ng alas-3:00 ng umaga para makarating ng alas-8:00 ng umaga sa pinapasukang trabaho sa Taguig na kadalasan late pa rin, samantalang dati dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras lang ang biyahe ko mula Tanza, Cavite hanggang Taguig.
Sinasabi ng Palasyo partikular ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kailangang mag-adjust ang tao sa traffic situations – kailangang agahan ang pag-alis ng bahay upang hindi ma-late.
Matagal na itong ginagawa ng mga tao, baka hindi lang n’ya alam.
Tigilan na rin ang paninisi sa mga nakaraang administrasyon sa kinakaharap ngayong problema sa mass transportation dahil tatlong taon na silang nakaupo, bakit sa halip na malutas o maibsan man lang, lalo pa yatang lumalala.
Tanong tuloy ng mamamayan na, ano ang ginawa ninyo sa loob ng tatlong taon, ‘di ba magagaling kayo?
Bakit hindi tingnan ng gobyerno ang problema sa kolorum na mga sasakyan lalo na ang PUVs na sobra-sobra na ang kanilang bilang sa lansangan.
Dapat hulihin ang mga ito ng mga kinauukulang ahensiya, baka ito ang magiging solusyon sa dinaranas nating problema sa trapiko. Nakita natin ito dahil nang minsan maglunsad ang DTOC at LTFRB ng kampanya kontra kolorum PUVs at vans, lumuwag ang trapiko sa Metro Manila. Bakit hindi nila tingnan ang isyung ito.
Sana naman magkatotoo ang pahayag ni Panelo na hindi pahihintulutan ng kasalukuyang administrasyon na ang araw-araw na pagdurusa ng commuters at motorista ay manatili at permamente. Inaasahan natin na kahit sa pangakong ito ng gobyerno ay maging positibo ang resulta. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
274