HAMON NG ARAW NG PAG-IBIG

Psychtalk

(UNANG BAHAGI)

Buwan na naman ng mga puso—malamig pa rin ang simoy ng hangin, at naglipana na sa mga pampublikong mga lugar ang mga advertising materials na nagpapaa­lala tungkol dito. Kaakibat nito ang iba’t ibang ekspektasyon lalo na para sa mga taong nasa isang romantikong relasyon.

Kasi naman, sa hinaba-haba nang panahon, ang pangkaraniwang pagkakaunawa ng mga tao sa pag-ibig ay galing sa iisa at limitadong pakahulugan. Kadalasan ito ay tumutukoy sa pag-ibig na romantiko na siyang temang namayani sa mga klasiko at mga kasalukuyang naratibo tungkol sa mga relasyon sa iba’t ibang medya—sa print, musika, o pelikula man ‘yan. Ang kadalasang storyline: nagkita si babae at lalaki, nagkaroon ng atraksiyon sa isa’t isa, nagkaroon ng matinding pagnanasa, at madalas si lalaki ay liligawan si babae para mapapayag itong pumasok sa relasyon. Kung may iba pang may atraksiyon sa “object/subject of love” gagawin ang lahat para siya ang manalo sa ligawan. Kung may mga hahadlang sa pag-iibigan—pamilya, ibang tao o iba pang panlipunan o pangkultural na salik–hahamakin ang lahat magtagumpay lamang.

Kung magkatuluyan, magpapatuloy ang cycle ng pagpapatunay ng lalim o katiyakan ng pag-ibig sa paggawa ng mga “acts of love” na sa pagdaan ng panahon ay sob­ra nang naimpluwensiyahan ng lipunang nakabatay sa materyalistikong kultura. Ang pagpapalaganap sa Araw ng mga Puso bilang araw ng mamahaling rosas, tsokolate, regalo, date sa mga mamahaling kainan at iba pa, ay isang matingkad na testimonya kung ano ang namamayaning kahulugan ng pag-ibig para sa maraming tao ngayon.

Ang resulta: isa nang hamon ang araw ng pag-ibig o puso para sa ibang tao, lalo na ‘yung mga may problema sa budget. Dangan kasi, ang sukatan ng pag-ibig sa pagitan ng magkasintahan ay kung gaano napaparamdam ng bawat isa na espesyal ang isa’t isa ayon sa komersiyalisadong ekspektasyong nahubog na mga establisimiyentong ginawa nang negosyo ang pag-ibig. Ayayay pag-ibig….nakakabutas ng bulsa! (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

168

Related posts

Leave a Comment