HINDI BASURAHAN ANG PILIPINAS

TINGNAN NATIN

HABANG tinitipa natin ang kolum na ito, kandarapa pa ang mga kinatawan ng sari-saring media companies sa pag-cover sa pagbabalik sa Canada ng mga container vans ng basura na nakatengga sa Subic Bay International Terminal, Corp. (SBITC) sa Subic Bay Freeport.

Tingnan Natin: noon pang 2013-2014 dumating ang may 103 container vans ng basura mula sa Canada pero ngayon lang maibabalik ang mga ito matapos ang masidhi, maingay at determinadong pagtutol ng maraming sektor laban sa paggawang basurahan ang Pilipinas ng ibang bansa.

Hazardous at toxic umano ang naturang basura na kinabibilangan ng non-recyclable plastic, electronic waste, household waste, at iba pa. Ang totoo, 69 lang sa 103 ang ibabalik sa Canada dahil naitapon na sa mga landfill ang may 26 container vans na basura, at may walo pang iba na naidispatsa na, hindi malinaw kung paano.

Tingnan Natin: 2013-2014 dumating ang mga basura mula Canada, panahon ni PNoy. Sablay nga ang administrasyong Aquino dahil walang nagawa upang maipabalik, at maging laban sa pagpasok, ng mga ito.

Pero hindi nangangahulugang porke pumalpak si Aquino ay bida na si Duterte na kasalukuyang pangulo.

Ang pagkontra sa pagiging basurahan ng Pilipinas ng mga mauunlad na bansa ay mula mismo sa mamamayan, sari-saring sektor, na kaagapay ng Ecowaste Coalition at Greenpeace.

Kung talagang sinsero at determinado si Pangulong Duterte laban sa pagtatapon ng basura sa bansa ng ibang bansa, dapat ay umaksiyon din siya laban sa tone-toneladang basura galing China at Australia na nadiskubre sa isang porte sa Mindanao.

Tingnan Natin: hindi niya binabantaan tulad ng Canada ang China at Australia na gigiyerahin. Mabuti naman dahil hindi ito magiging kapani-paniwala.

Sa ngayon, gusto nating makita na mapanagot ang mga nasa likod ng pag-import ng basura, kasama ang mga kasabwat sa gobyerno, kung mayroon, kung sa batas ay mayroon silang pananagutan.

Gusto rin nating malaman kung paano dinispatsa ang 8 container vans ng basura na binanggit natin sa taas dahil lumalabas, 26 nga lang ang naitapon sa landfill sa Tarlac.

May kahilingang paglilinaw na ang Ecowaste Coalition kaugnay nito pero hindi pa umano sinasagot ng Bureau of Customs sa kabila ng pag-invoke ng “Freedom of Information” law. Hanggang kailan? Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

178

Related posts

Leave a Comment