HINDI MADALI ANG MAGING ISANG OFW

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

MARAMI ang nag-aakala na masarap ang maging isang OFW. Paniwala pa nga ng marami ay madali lamang ang trabaho sa ibang bansa, mayayaman at mansyon na naka- air-condition ang iyong pagtatrabahuan. Kalimitan din nakikita sa pelikula o ibang social media na maraming pagkain at mansanas at marami ring magagandang damit. Naniniwala rin ang ­karamihan na ilang taon lamang ay makapagpapatayo na ng sariling bahay.

Naalala ko tuloy noong ako ay nagtungo sa Nouralah, South Cotabato para makipaglibing sa yumaong OFW na si Jeanlyn Villavende. Habang kami ay naglalakad ay itinuturo ng isang opisyal ng barangay ang mga konketong bahay . Ayon sa kanya, ­madaling malaman ang mga OFW sa kanilang barangay sa pamamagitan lang ng uri ng bahay. Kapag konkreto na ang bahay ay tiyak na OFW raw ito. Kung kaya maraming mga taga-South Cotabato at iba pang probinsiya ang nahihikayat na mangibang bansa.

Ito rin ang dahilan kung bakit maraming mga taga-probinsiya ang nabibiktima ng illegal recruitment at human ­trafficking. Naglipana sa malalayong ­probinsiya ang mga ahente at illegal ­recruiter na ang ­ginagamit na panghihikayat ay mga larawan ng magagandang bahay na diumano ay ilan lamang sa kanilang napaalis patungo sa ibang bansa.

Kamakailan ay sunod-sunod ang aking natanggap na sumbong at paghingi ng tulong dahil umano sa pagmamaltrato at pang-aabuso ng kanilang mga employer. Karamihan sa kanila ay mga bagong salta pa lamang sa kanilang employer at humihiling na agad ng tulong na mapauwi sila sa Pilipinas.

Dahil dito kung kaya ibig nating paalalahanan ang lahat ng nagnanais na mangibang bansa na siguruhin na matatag ang iyong kalooban at pangangatawan bago tuluyang magdesisyon na maging isang OFW.

Sa unang anim na buwan mula sa pagdating sa ibayong dagat ay tiyak na mararanasan mo ang labis na kalungkutan at pagkahabag sa sarili lalo na kung mararanasan mo na laging sinisigawan ng iyong employer. Hindi kasi batid ng marami na ang mga Arabo ay ugaling malakas lagi ang kanilang boses kapag nagsasalita dahil marami sa kanila ay nasa malaking tahanan na hindi nagkakarinigan kung hindi magsisigawan.

Malimit na umaasa ang mga bagong saltang OFW na sagana sa pagkain at prutas, pero pagdating sa kanilang amo ay isang beses lamang pinapakain. Masakit mang isipin, ngunit marami pa ring Arabo na ang turing sa isang kasambahay ay alipin ­dahil ito ang nakagisnan na kultura.

Isa pa sa malimit na ­pinagdaramdam ng mga bagong saltang OFW ay ang pagkuha ng kanilang cellphone at pasaporte na sa kanilang pakiramdam ay ang tanging sandata na kanilang pinanghahawakan.

Kung hindi rin lamang kinakailangan at wala kang tibay ng kalooban, ay mas mabuti pang huwag nang subukin ang pagtatrabaho sa ibang bansa, dahil hindi madali ang maging isang OFW.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

120

Related posts

Leave a Comment