HUWAG SISIHIN ANG MGA MANGINGISDA

BAGWIS

NITONG mga nakalipas na araw ay umaatikabo ang balitaktakan tungkol sa barko ng mga mangingisdang Pinoy na binangga at pinalubog ng barko ng mga Chinese. Bakas natin ang pagkadismaya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at sinabi nito na ang pangyayari ay hindi katanggap-tanggap at kailangang panagutan ng pamahalaan ng Tsina.

Ngunit biglang nagbago ang kuwento noong nagsalita na si Pangulong Duterte at sabihin na ang pangyayari ay isang simpleng “maritime incident” na hindi na dapat palakihin. Nagbabala pa ang pangulo na maaaring pagsimulan pa ng gulo ang naturang pangyayari kaya’t mas maiging pabayaan na lang ang pag-usad ng isang mas malalim na imbestigasyon tungkol dito.

Kasunod nito ang pagpunta naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa lugar ng mga biktimang mangingisda bitbit ang mga bagong bangkang pangisda, mga bigas, financial assistance at kung anu-ano pa.

Pagkatapos nito ay nagpatawag ng isang presscon si Piñol kasama ang mga mangingisda na biglang nag-iba ang kwento tungkol sa mga pangyayari. Biglang nagkaroon ng amnesia ang mga ito at hindi na nila matiyak kung sinadya nga ba o isang simpleng aksidente ang buong pangyayari.

Agad namang umalma ang mga kritiko ng administrasyon at sinasabing sinulsulan ang mga mangingisda upang mapagtakpan ang katotohanan.

Andyan din ang mga taong nagsasabing mga bayaran at mga walang prinsipyo ang ating mga kababayang mangingisda dahil nga hindi nila napanindigan ang kanilang mga naunang kwento tungkol sa nangyari sa Recto Bank.

Kung ako ang tatanungin, hindi natin dapat kutyain o paratangan ng kung anu-ano ang ating mga mangi­ngisda. Bagama’t alam naman talaga natin na tumiklop ang mga ito dahil sa mga dalang pang-areglo ni Secretary Piñol, hindi makatwirang sila ay husgahan at maliitin.

Mahirap ang buhay ng ating mga kababayang ito at walang silbi sa kanila ang politika. Mas mahalaga sa kanila kung paano malagyan ng laman ang kanilang kumakalam na sikmura. Mas mahalaga sa kanila ang kanilang pang-araw-araw na kabuhayan kaysa mga pinaniniwalaang prinsipyo ng mga taong akala mo ay sila lang ang may pagmamahal sa bayan.

Totoo na masakit at nakakainsulto sa ating pagiging Filipino ang pangyayaring ito. Subalit huwag po nating sisihin ang ating mga mangi­ngisda dahil kung hindi kayang manindigan ang mga taong namumuno sa ating bansa, paano pa kaya ang mga taong gaya nila? (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

341

Related posts

Leave a Comment