IKA-70 ANIBERSARYO NG PAGKAKATATAG NG PEOPLE’S REPUBLIC OF CHINA

SIDEBAR

Kahapon, Oktubre 1, ang ika-70 anibersaryo ng pormal na pagkakatatag ng People’s Republic of China (PROC) sa pamamagitan ng proklamasyon ng Communist Party of China Chairman Mao Zedong matapos ang tatlong taong giyera sibil laban sa Kuomintang ni Chiang Kai-shek.

Malaking selebrasyon ang nasaksihan sa Tiananmen Square sa syudad ng Beijing kahapon kung saan muling ipinakita ng PROC ang mga modernong kagamitang pandigma ng Peoples Liberation Army na tumalo sa pwersa ng Kuomintang na nagresulta sa pag-atras ni Chiang Kai-shek sa Taiwan na siyang naging Republic of China.

Binigyang diin ni Chinese President Xi Jinping sa kanyang talumpati na walang puwersang maaaring yumanig sa bansang China na may kasalukuyang populasyon na 1.3 billion at ang Communist Party of China ang nananati­ling pinakamalaki at pinakamalakas ng partido komunista sa buong mundo.

Matatandaang unang nagpanalo ng sosyalistang rebolusyon ang mga Bolshevik ni Lenin sa Russia noong 1917 pagkatapos ng 12 taong pakikibaka para pabagsakin ang imperyo ng Romanov dynasty at kina­launan ay ang mabuway na burgis na gobyerno ni Alexander Kerensky.

Si Mao at ang kanyang teo­rya sa pakikidigmang ge­rilya sa isang mala-pyudal at mala-kolonyal na bansa ang naging modelo ni Amado Guerrero sa kanyang akdang Philippine Society and Revolution na naging gabay ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan mula nang maitatag ang CPP noong Disyembre 26, 1968.

Hindi ko lang alam kung hanggang ngayon ay may fraternal relations pa rin sa pagitan ng CPP at Communist Party of China na kilalang tumutulong sa ibang kilusang komunista gaya ng ginawa nitong pagtulong sa North Korea noong 1950-53 Korean War.

Mas lumakas pa ang relasyon ng Republika ng Pilipinas sa PROC sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi itinatago ang pagkadismaya sa Estados Unidos dahil sa mga polisiya nito na tumutuligsa sa war on drugs ng pamahalaan.

Kamakailan ay bumisita pa sa Malacañang ang ilang opisyal ng Communist Party of China sa pangunguna ng Chongqing party secretary na si Chen Min’er na kilalang tao ni President Xi Jinping.

Isa si Chen sa mga su­misikat na opisyal ng CPC at bilang party secretary ng syudad ng Chongqing ay miyembro sila ng 25-member Political Bureau (Politburo) na isa sa pinakamataas na organo ng partido sa China.

Kasama ni Secretary Chen sa Malacañang sina Ambassador of China to the Philippines Zhao Jianhua, Vice Minister ng International Department-CPC Central Committee (IDCPC) Guo Yezhou, Executive Vice Mayor ng Chongqing Municipal People’s Government at Secretary General of CPC Chongqing Municipal Committee Wang Fu.

At kung ang mahusay na relasyon ng PROC at administrasyong Duterte ang pagbabasehan, hindi na kailangan ng CPC na magkaroon ng fraternal relations sa CPP na mahigit nang 50 taong nagsusulong ng rebolusyon at hanggang ngayon ay tila wala pa ring nababanaagang mapulang bukas. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

129

Related posts

Leave a Comment