IMBESTIGAHAN ANG PANUKALANG PAGTAAS NG SINGIL SA KURYENTE DAHIL SA ‘MISSIONARY CHARGES’

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Tataas ang singil sa kuryente ng P1.89 per kilowatt hour, sa tulak na rin ng National Power Corporation o Napocor. Dahil umano ito sa pagtaas ng subsidyo para sa ‘missionary charges.’ Kaya naman, pinapanawagan ng Bayan Muna na dinggin na ang inihain nitong House Resolution 2287 sa Kamara, na pinaiimbestigahan ang pagtaas na ito na lubhang kwestiyonable.

Ang missionary charges ay idinadagdag sa bayarin ng lahat ng konsumer para umano sa elektripikasyon ng mga liblib na mga lugar. Ngunit, imbes na lumiit ito habang lumilipas ang mga taon at lumalawak ang inaabot ng kuryente, ay papalaki nang papalaki ang bayarin natin dito.

Ngayong tataas na naman ang singil sa kuryente dahil daw sa missionary charges ay kailangan na talagang talakayin ng Kamara ang usaping ito.

Para sa mga konsumer sa National Capital Region, ito ay magdudulot ng P0.1948/kwh na pagtaas. Sa konkreto, ang mga kabahayan na kumokonsumo ng 200kwh kada buwan ay magkakaroon ng pagtaas na P38.96 sa kanilang Universal Charges-Missionary Electrification (UC-ME), P58.44 para sa mga kumokonsumo ng 300kwh, at P77.92 para sa 400kwh. Dadagdag pa ito sa epekto ng TRAIN sa bayarin sa kuryente.

Nanawagan naman si Bayan Muna chairman at Senatorial aspirant Atty. Neri Colmenares sa mga consumer groups, mga organisasyon, at mga mamamayan, na magpahayag ng kanilang oposisyon sa bagong kwestiyonableng pagtaas na ito. Aniya, pati ang mga nasa small power utilities group o SPUG nagsu-supply ng kuryente sa mga isla tulad ng Mindoro, Palawan, at Marinduque ay apektado rin ng P1.89/kwh increase.

Umaasa ang Bayan Muna na agad na diringgin ng Kamara ang usaping ito, bago pa man ipataw ang dagdag-singil. Dapat may gawing aksyon ang Kamara upang maprotektahan ang ating mga konsumer mula sa isa na namang wala-sa-katwirang dagdag-singil sa kuryente. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

158

Related posts

Leave a Comment