(NI KEVIN COLLANTES)
SUSPENDIDO muna ang mga biyahe ang mga tren ng Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at 2 (LRT-2), gayundin ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon, partikular Metro Manila, Lunes ng hapon.
Layunin ng tigil-biyahe na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng tatlong mass railway system.
Naunang nakapagdeklara ng stop operation ang LRT 2 at MRT 3 pagkatapos ng lindol na naganap dakong 5:11 ng hapon habang pasado 6:00 ng gabi naman nang magtigil operasyon ang LRT 1
“LRT2 suspends train operation at around 5:18pm, all stations are closed for passenger entry, pending inspection and assessments of all facilities and systems due to strong earthquake,” anunsiyo ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, sa kanyang Twitter account.
Ayon naman kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, nagpasya silang suspendihin ang mga biyahe ng kanilang mga tren para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Magsasagawa muna aniya sila ng inspeksiyon sa mga riles at iba pang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito bago tuluyang pabiyahihing muli ang kanilang mga tren.
“Stop operations po muna ang MRT, ” ani Capati. “We’re still checking the tracks and the facilities kung apektado ng earthquake. For the meantime stop operation muna, until further notice.”
Sa panig naman ng LRT 1, una silang nagpatupad ng 3-minute slow down sa biyahe ang LRT-1 at nang matapos ang lindol ay back to normal ang operations nito.
Alas-6:10 ng gabi ay nagpasya na rin ang LRT-1 na magsuspinde ng biyahe.
Ayon kay Rochelle Gamboa ng LRT-1, nais nilang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero kaya aalamin muna nila kung may pinsalang nalikha ang lindol sa kanilang mga riles at iba pang pasilidad bago muling ipagpatuloy ang kanilang biyahe.
Iaanunsiyo na lamang umano ng mga opisyal ng mga mass railway systems kung kailan muling bibiyahe ang kanilang mga tren.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt Avenue sa Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City, habang ang LRT-2 naman ang nagdudugtong sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Santolan, Pasig.
Ang MRT-3 naman na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.
241