INDUSTRIYALISASYON NASAAN NA?

0

ISA sa pangako ng ­gobyernong Duterte ay ang magtayo ng ­sariling industriya sa Pilipinas dahil marami naman tayong mga raw materials na makukuha mula sa ating mga likas na yaman o natural resources.

Walang bansa kasi ang yumaman na hindi isang industrial country o walang sariling industriya at umaasa lang sa mga supply mula sa ibang bansa, kasama na ang Pilipinas dyan.

Wala tayong maipagmamalaking produkto at kung meron man kayong mabiling mga bagay sa ibang bansa na “made in the Philippines” ay karaniwang mga produkto na dito lang ginawa pero ang may-ari ay mga multinational company na nakabase sa Pilipinas at ang mga materyales ay ­galing sa ibang bansa.

Mayaman ang Pilipinas sa metal, raw materials sa magnet at kung ano-ano pang precious metal na nahuhukay ng mga mining companies sa kabundukan sa ating bansa.

Pero ang mga raw materials na yan ay ini-export sa mga industrial countries at pagbalik sa ating bansa ay isa ng bagay na kapag binili natin ay mahal, tulad ng bakal.

Kaya noong magsimula sa panunungkulan ang kasalukuyang administrasyon ay nangako sila na kailangan magkaroon tayo ng mga industriya upang ang mga raw materials ay hindi na kailangang iexport sa ibang bansa.

Isa ako sa natuwa noon dahil kung meron mang dapat unang makinabang sa mga yaman ng ating bansa ay mga Filipino dapat at hindi ang mga industrial countries na siyang nakikinabang sa ating mga likas na yaman.

Natuwa ako dahil kapag naging industrial country na tayo, marami ng trabaho ang mapapasukan ng mga ­Filipino at hindi na kailangang mangibang bansa para mabuhay at ­magkaroon ng disenteng pamumuhay ang kanilang pamilya.

Pero mukhang malabo na matupad ang pangakong ito ng administrasyon dahil kahit isang poste ng pagawaan ay hindi pa naitatayo at patapos na ang kanilang pamumuno sa ating gobyerno.

Magbibigay na naman ng mga bagong ­mining ­contract ang gobyerno matapos ang 9 na taong moratorium na nangangahulugan na madadagdagan ang mga mining operations sa bansa dahil sa pag-iral ng Executive Order (EO) 130 na inilabas ng mahal na pangulo.

Ibig sabihin mas maraming bundok ang huhukayin para kunin ang mga metal na nakatago sa ilalim ng lupa. Ibig sabihin mas maraming raw materials ang makukuha pero hindi yan ­direktang pakikinabangan ng lahing kayumanggi.

Ang makikinabang lang dyan sigurado ay ang mga mining companies at mga ­industrial countries dahil mas marami silang ­materials na magagamit sa kanilang mga produkto.

Nakakatakot na magaya tayo sa mga bansa sa ­Africa na naghihirap pa rin kahit mayaman sila sa likas na yaman. Inubos ng mga bansang nanakop sa kanila ang kanilang likas na yaman pero kahit isang ­industriya mula sa kanilang raw ­materials ay walang naitayo.

Sana ang susunod na administrasyon ay ­seryosohin ang pagtatayo ng sariling industriya gamit ang mga raw materials para umangat naman ang ­ating bansa sa pagiging third world country.

Isa din sa dapat tutukan ng susunod na gobyerno ay magkaroon ng sariling industriya ng gamot upang kapag nagkaroon muli ng pandemya tulad nitong COVID-19 ay hindi tayo nagmamakaawa sa ibang bansa na bigyan tayo ng bakuna.

Noong 1939 tayo ang nagbibigay ng libreng gamot sa China. Baliktad na ang situwasyon, tayo ngayon ang namamalimos ng bakuna sa China. Anong nangyari?

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment