KUNG totoo ang paandar na kalakip ng pahayag ng tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), asahan ang isang tapat, maayos at mapayapang halalan sa Mayo.
Ayon kasi kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, tuluyan nang nalansag ng pamahalaan ang hindi bababa sa 20 private armed groups na nakabase sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) – isang lugar na higit na kilalang kubkuban ng mga terorista.
Ang siste, lumabas ang pahayag ilang araw matapos ang ulat kaugnay ng pagsabog sa bayan ng Upi sa Maguindanao kung saan isa ang naitalang sugatan nang mahagip ng pampasabog ang dulong bahagi ng convoy ni reelectionist Governor Bai Mariam Mangudadatu mula sa pangangampanya sa karatig bayan.
Ang nakatatawa, hindi pa nga ganap na natutukoy ng pulisya ang mga salarin nang ipahiwatig ng PNP spokesperson ang diumano’y matagumpay na pagkalansag ng 20 private armed groups sa nasabing rehiyon.
Hindi na bago ang patayan sa tuwing sasapit ang halalan. Sa gawing Mindanao, parang pumapatay lang ng ipis ang mga salarin sa likod ng kabi-kabilang karahasan. Sa isang iglap, bubulagta ang target na para bang isang tagpo sa pelikula.
Taong 2009, ginimbal ng isang insidente ang buong mundo matapos tambangan, patayin at ibaon sa hukay ang hindi bababa sa 58 katao – kabilang ang 32 mamamahayag sa mismong rehiyon na ayon sa PNP ay kanilang nagawang linisin.
Bagama’t may ilang prominenteng pulitikong nahatulan na ng korte sa kontrobersyal na pamamaslang kaugnay ng halalan, hindi maiwasang magduda ang mamamayan lalo pa’t sa tuwing may halalan – ganun at ganun din ang sinasabi ng mga nagdaang administrasyon.
Ang totoo, hindi madaling lansagin ang mga private army ng mga pulitikong naghahari sa kani-kanilang teritoryo. Wala ring sapat na kakayahan at kagamitan ang PNP para makipagsabayan sa mga bayarang mamamatay tao ng mga pulitiko.
Bukod sa insidente sa bayan ng Upi, marami pang naitalang karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa. Katulad ng barilan sa checkpoint sa pagitan ng mga pulis at mga armadong tauhan ni Pilar (Abra) Vice Mayor Jaja Josefina Disono.
Nito lamang nakaraang araw, isang karatulang may mensaheng pananakot naman ang nakita sa ibabaw ng bangkay ng isang pinaslang na lalaki sa Negros Occidental.
Ilan lang ang mga ‘yan sa mahabang talaan ng mga dokumentadong “election-related violence” kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 9.
Mas angkop kung tutumbasan ng gawa ang dada!
100