KAISA-ISANG BATAS NA PROTEKSYON SA MGA KATUTUBO PLANONG I-ABOLISH?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IMBES na protektahan sila ay unti-unting pinapatay ng pamahalaan ang nasa 800 pamilya mula sa katutubong Dumagat ng Baras, at Antipolo City, Rizal dahil sa pinaplanong pag-abolish sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).

Sa isang pahayag, sinabi ni Alex Bendaña, chieftain ng Dumagat-Remontado group sa Barangay San Ysiro, partikular na tinukoy nila ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa kabiguan nitong protektahan ang Upper Marikina River Protected Landscape (UMRPL) at kanilang ancestral domain mula sa land grabbers na nagpapanggap bilang environmental advocates.

Ayon sa kanila, imbes na palakasin at pagtibayin ang IPRA na kaisa-isang batas na nagpoprotekta sa kanila (katutubo) ay plano pa itong i-abolish para paboran ang iilan na may interes sa mga ancestral domain.

“Nabalitaan namin na may nagsusulong sa Kongreso na i-abolish ang IPRA… ‘yun na nga lang po tanging batas na kalasag ng mga katutubo tapos aalisin pa nila,” pahayag pa ni Bendaña.

Partikular na binanggit ng Dumagat-Remontado chieftain ang 13,000 hectares ng ancestral domain na katabi ng Marikina Upper Marikina River Basin Protected Landscape.

Tinukoy pa ni Bendaña ang malalaking istrukturang itinayo sa tinatawag na protected areas – watershed, at kanilang domain na pinaniniwalaang naibenta ng DENR.

Lumabas sa records na ang UMRPL pa lamang na 26, 126 hectares, ay patuloy na nawawala ang mga puno at laganap ang pagkasira ng mga tirahan dahil sa pagputol ng mga puno, pagtatayo ng residential subdivision at paglalagay ng commercial establishments kung saan nabawasan ang watershed area ng 408 hectares sa loob ng isang taon.

Sa Dumagat-Remontado ancestral domain na area ay mahigit sa kalahati ang nawala kasunod ng Memorandum of Agreement (MOA) na pinasok ng namayapang si DENR Secretary Gina Lopez sa Blue Star Construction Corporation (later renamed as Masungi Georeserve) noong 2017.

“Wala na po kaming pupuntahan kapag nawala pa ang IPRA. Kung meron man dapat ang gawin ang pamahalaan, repasuhin at palakasin ang IPRA. Hindi nila ‘yan pwede ibasura kasi wala na kami mapupuntahan… hindi kami mabubuhay kung magpapakalat-kalat kami sa Maynila at magpapalipas ng gabi sa ilalim ng tulay,” ayon pa sa mga katutubo.

“Ang aming mga ninuno, pati kami ay dito na ipinanganak tapos ngayon aangkinin ang ancestral domain ng kung sino-sino na lang,” ayon pa sa mga katutubo.

Ipinagtataka rin ng mga katutubo na inaasahan nila na ang magpoprotekta sa kanila sa ancestral domain ay ang gobyerno, partikular ang DENR, ngunit ito pa ang nagiging instrumento para mawala sila dito.

Kawawang mga katutubo, palagi na lang nababalewala at nabibigyan ng pabor ang mga may pera.

Sa halip na protektahan sila (katutubo) sa paggawa ng iba’t ibang batas ay plano pang i-abolish ang IPRA na kaisa-isang batas na kanilang sandalan.

Kung tutuusin, ang mga katutubo ang tunay na mga Pilipino dahil hindi sila nahaluan ng dugong dayuhan tapos ngayon sila pa ang mawawalan ng tirahan at pag-aaring lupain.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

51

Related posts

Leave a Comment