DEKADA sitenta nang umpisahan ng pamahalaan ang giyera kontra droga. Katunayan, taong 1973 nang patawan ng parusang kamatayan sa paraan ng firing squad ang Tsinong drug lord na si Lim Seng.
Matapos ang halos limang dekada, nanatiling banta sa lipunan ang droga.
Pamilya, negosyo, kredibilidad, hanapbuhay, relasyon sa Panginoon – ilan lang ‘yan sa mga nalalagay sa kompromiso sa tuwing may isang miyembro ng pamilya ang nalululong sa bisyong nagsimula sa opyo, marijuana, syrup, mga pampakalmang pildoras, shabu, cocaine, heroin, ketamine hanggang ecstasy.
Sa pagtatalaga kay General Rodolfo Azurin bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), muling bumida ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga. Aniya, tuloy ang giyera.
Kung tutuusin, tama lang naman talagang puksain ang salot ng lipunan. Pero teka, bakit nga ba hanggang ngayo’y banta pa rin ang droga?
May mga nagsasabing imposibleng mapuksa ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot kung ang mismong mga politikong namumuno, mga mambabatas at tagapagpatupad ng batas ay pawang sangkot sa pinakamalaking negosyo sa buong mundo.
Sa paglipas ng panahon, lumala ang problema. Giit ng ilan, ibalik ang parusang kamatayan.
Kung pagbabatayan ang mga banal na salitang inilimbag sa ating bibliya, walang sino man ang may karapatang pumatay. Ayon naman sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao, sapat na ang makulong ang isang napatunayang nagkasala sa loob ng mahabang panahon.
Sa kabila ng kabi-kabilang operasyong humantong sa pagkakadakip sa pinaniniwalaang mga sangkot sa droga, hindi maitatangging maraming kaso ang nabasura. Ang dahilan – palpak na paghahain ng kaso ng pulisya at ang kakulangan ng sapat na ebidensya.
Ano pa ba ang kulang para mapagwagian ng PNP ang kampanya kontra droga?
Ang sagot – isang matibay na ugnayang magbubuklod sa pulisya at 42,000 barangays sa buong bansa. Bakit kamo? Kung mayroong mga institusyon o taong higit na nakakaalam sa sitwasyon hanggang sa kasuluk-sulukan ng mga komunidad, sila ‘yung mga nasa barangay – mula sa kapitan hanggang sa mga tanod na walang takot na nagbubuwis ng kanilang buhay sa pagronda sa gitna ng karimlan ng kanilang pamayanan.
Angkop din marahil na bigyang muli ng wastong oryentasyon ang mga pulis sa pagsasampa ng kaso.
461