KORAPSYON SA PHILHEALTH, SA OFWs ANG TAMA?

PUNA Ni JOEL AMONGO

UMAARAY ang mga kababayan nating overseas Filipino ­workers (OFWs) dahil sa ­sobrang laki ng kaltas para sa kanilang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) contributions.

Nitong nakaraang araw, isang OFW na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan (Middle East) ang tumawag sa PUNA upang ireklamo ang sobrang laking binayaran niya sa kontribusyon ng kanyang PhilHealth.

Itago na lamang natin siya sa pangalang Esperanza, halos 20-taon na siyang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan bilang OFW.

Dati-rati, sa tuwing umuuwi siya sa Pilipinas, ang binabayaran lamang niya sa kontribusyon sa PhilHealth sa loob ng isang taon ay nasa P2,400.

Nitong nakaraang pag-uwi niya, nabigla siya nang magbayad siya sa kontribusyon ng kanyang PhilHealth, ang dating P2,400 binabayaran niya sa loob ng isang taon ay para na lamang sa isang buwan.

Ayon pa sa kanya, ang kabuuan ng kanyang binayaran sa ­PhilHealth sa loob ng tatlong buwan ay nagkakahalaga ng P7,333.68.

Dahil dito, may kakulangan pa siyang P27,038 na bayarin para makumpleto niya ang kontribusyon mula Enero hanggang Disyembre 2020.

Nagtataka siya kung bakit ganun, sobrang napakalaki ng kanyang bayarin, kaya minabuti niyang isumbong sa PUNA para makarating kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) ang nasabing usapin na pahirap para sa kanila.

Ito na ba ang epekto ng korap­syon na naganap sa PhilHealth kamakailan?

May pumutok kasing korapsyon sa PhilHealth kamakailan na kinasasangkutan ng ilang opisyal nito na may halagang P15 billion

“Kung tutuusin, wala naman kaming pakinabang sa PhilHealth habang nasa abroad kami dahil ang gastusin namin sa pagpapa-­ospital ay sagot ng ­aming mga employer,” hinanakit pa ni Esperanza.

Ano ba ‘yan, ang nangyaring korapsyon sa PhilHealth ay sa mga OFW n’yo binabawi?

Bakit hindi n’yo habulin ang nagnakaw ng pondo ng ­PhilHealth?

Kundi man kahit isang kurot na lang ng bawat miyembro ng PhilHealth dun sa mga lumustay ng pondo para makaganti man lang, kesa wala man lang kaming mapapala sa pagkawala ng pera namin.

Matatandaan, kamakailan ay nagkaroon ng isyu ng korapsyon sa PhilHealth na tumataginting na P15 billion.

Bakit nga naman sila ang ginigipit ngayon sa pamamagitan ng pagkaltas sa kanila ng ­malaking halaga sa kanilang PhilHealth contribution?

Bakit nga naman sobrang laki ang kinakaltas sa kanila ng PhilHealth?

Pasanin pa ‘yan ng mga OFW, hindi ba kayo nag-iisip nang mabuti, mga opisyal diyan sa PhilHealth?

Kung ganyan din lang ang pagtrato n’yo sa OFWs na parang ginagawa n’yong gatasan ay ‘wag n’yo silang tawaging mga Bagong Bayani ng Bayan.

Nakasasama lang ng loob para sa kanila at sa kanilang mga kamag-anak ang ginagawa niyo.

Sa bagay, sabi nga nila, wala raw buhay na bayani, kaya ­siguro wala kayong pakialam kahit mamatay sila sa gutom sa kababayad ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth.

Tsk! Tsk! Tsk! Konting malasakit naman!

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 09777511840.

94

Related posts

Leave a Comment