LORNA TOLENTINO HUMIHINGI NG SAKLOLO SA LNS INTERNATIONAL MANPOWER

BANTAY OFW

Bibigyang pansin naman natin ngayon ang rek­lamo ng ating kabayani na kapangalan pa man din ng isang artista na si Lorna Tolentino. Ayon kay Lorna, siya ay nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng LNS International Manpower Services Corporation.

Ayon sa sumbong ni OFW LORNA TOLENTINO ay “Wala po akong sapat na tulog lalo na sa araw na may pasok sa eskwela at trabaho ng employer ko. Natutulog po ako sa ilalim ng mga tambakan ng damit. Ginigising ako ng mga anak ng employer kahit sa gitna ng aking pagpapahinga. Walang pahinga kung magpatrabaho si madam. Wala na rin po sa oras ang aking kain dahil sa dami ng aking trabaho. Ako lang po mag-isa at lima po ang anak at hindi po binibigay ang aking pasaporte.”

Napakaimportante ng pagkakaroon ng sapat na tulog at oras ng pahinga. Katunayan ito ay isa sa mahigpit na bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na isama sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. Kamakailan ay pormal nang ipinatupad ang MOA na ito, kung kaya ako ay nanawagan sa LNS International Manpower Services Corporation na kumustahin ang tunay na kalagayan at siguruhin na angkop sa MOA ang kanyang kalagayan lalo na ang pagkakaroon ng sapat at maayos na tulog at pahinga at pagkakaroon ng day-off, hawak ang kanyang celfone at ang passport.

Umaasa  ako sa mabilis na magiging aksyon  ng LNS International Manpower Services Corporation at bukas ang kolum ko para sa pagbibigay nila ng update para sila naman ay aking pasalamatan.

oOo

Hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng Pilipinas na mag-Download ng BANTAY OFW monitoring apps na libre sa Android Playstore. Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW monitoring apps ay regular nating makukumusta ang lahat ng ating mga kabayani saan mang sulok sila ng mundo. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

85

Related posts

Leave a Comment