LUPA NA BINILI SA KOMPANYA, AYAW IBIGAY?

Misyon Aksyon

Misyon Aksyon, tubong Catanduanes po ako at nakipagsapalaran sa Maynila dahil sa aking sipag at katapatan.

Ito po ang naging armas ko kaya napasok ako sa isang poultry na Mabuhay Farm dito sa Barangay Gulod sa Novaliches. Kalaunan, ito ay naging laboratory agricultural supply na nasa 7th Floor Bldg. Ave Maria 1517 Quezon Avenue, Quezon City. Ang pangalan po ng kompanya ay Pharmagro Inc. 

1960 po ako nang mapasok sa kanila bilang isang kargador hanggang sa maging caretaker ng kanilang warehouse. Humigit kumulang sa limang dekada po ako nanilbihan sa kanilang negosyo kaya sa tuwa ng kanilang mga magulang, binigyan kami ng pakunswelo na lupa pero through salary deduction ang bayaran hanggang sa matapos ko po.

Natuwa po ang pamilya Abreu at in-offer ang lupa sa aming tatlong emple­yado kaya nabigyan kami ng tig-50 square meters na sukat sa mababang ­presyo.

Noong Mayo 15, 2000, lumagda po kami ng Deed of Sale with partition sa pagitan ng kanilang mga magulang na sina Gregorio M. Abreu at Cornelia M. Abreu para patunayan na sinsero sila sa mga em­pleyado na naging tapat sa kanilang mga trabaho.

Makaraang gawan ng technical description ni Geo­detic Engr. Mariano Capayan at masuma, umabot ito sa halagang P50,400. May sukat itong 48.41 square meter lot 1129-C-4-C-S. Ang usapan ay sa­lary deduction na aabot sa dalawang dekada.

Nais ko po na mapa­tituluhan ito at ma-transfer sa aking pangalan. Pero dito na po pumasok ang problema. Ang unang hakbang ko pong ginawa ay nagpaabiso na po ako sa pamamagitan ng sulat pero binabalewala po ng anak ang aming kasunduan.

Dahil sa matanda na po ako, nais ko pong isaayos na ang mga dapat gawin sa aking lupa na binili mula sa kanilang mga magulang. May bahay na akong nakatayo sa nasabing lupa na aking binili. Misyon, ano ba ang dapat kong gawin?

Gumagalang,

Wilfredo Monticalvo Sr.

Panawagan: Pharmagro, Inc. General Manager Gregorio M. Abreu Jr. Sir, bakit naman po ayaw ninyong ibigay ang lupa ng dati ninyong mga em­pleyado? Sa tuwa ng inyong mga magulang, binigyan sila ng lupang matitirikan dahil sa kanilang ambag sa inyong kompanya, pinagkatiwalaan at ini-offer ang lupa ninyo. Bakit ngayon ay ayaw ninyong ibigay ang pangako ninyo at pagagawan umano ng titulo? Sir, pinaghirapan naman nila ang nasabing lupa. Dugo at pawis nila ang naging kabayaran at sa kanila po ay mala­king bagay ito. Sana po ay ibigay na ninyo, sir.

At kay Mr. Monticalvo, sir, magsadya po kayo sa RD ng Quezon City at palagyan ninyo ng Annotation ang titulo na nakapangalan sa magulang nila at Adverse Claim. Kumuha na po kayo ng abogado.

Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan. Note: Problema sa SSS, GSIS, PagIBIG homeowners at iba pa. Cellphone no. Smart 09420874863 /09755770656 email address: Misyonaksyon@yahoo.com /arnel_petil@yahoo.com/ arnelpetil12@gmail.com. http://misyonaksyon.blogspot.com (Misyon Aksyon /  Arnel Petil)

 

169

Related posts

Leave a Comment