RICE TARIFF LAW PINAGKAKITAAN NG IMPORTERS – SOLON

rice66

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG mayroong nakinabang sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law, ito ay ang mga rice importers dahil kahit bumaha ng imported na bigas sa bansa ay hindi bumaba ang commercial rice.

Ito ang reklamo ng mga militanteng mambabatas sa Kamara kaya nararapat na anilang ibasura ang nasabing batas dahil bukod sa pinapatay nito ang mga local na magsasaka ay hindi walang naging pakinabang dito ang mga consumers.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kahit aabot sa 3.1 million metric tons ang imported rice na aangkatin ng Pilipinas hanggang sa katapusan ng taon, ay nananatili pa ring mataas aniya ang commercial rice.

“Kahit na bumaba ng imported na bigas sa kasalukuyan, hindi naman nagmura ang bigas,” pahayag ni Brosas sa press conference ng Makabayan bloc nitong Huwebes sa Kamara.

Ipinangako aniya ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapag naipasa ang Rice Tariffication Law ay makakabili umano ang mga consumers ng commercial rice sa halagang P27 kada kilo.

Gayunpaman, hindi aniya ito nangyari dahil umaabot aniya sa P58 kada kilo pataas ang commercial rice kaya pinagkakitaan lamang umano ng mga rice importers ang nasabing batas.

“In fact, binabalita nga sa atin, kahit  sa Eastern Visayas P69 yung bigas. Hindi pa rin talaga nagmura ang bigas,” ani Brosas.

Sa kabilang dako naman aniya, nalunod naman aniya sa kahirapan ang mga magsasaka dahil bumagsak ang presyo ng kanilang palay pero ibinebenta pa rin umano ito ng rice traders ng mahal.

“Kaya yung mga rice importers at rice traders lang ang nakinabang sa batas na ito. Dapat na talagang ibasura yan,” ayon pa sa mambabatas.

 

158

Related posts

Leave a Comment