SA kabuuan, maganda ang kinalabasan ng Traslasyon 2020 kung saan naging mabilis ang usad ng Andas ng Poong Itim na Nazareno. Naging maayos at mapayapa ito.
Naging maluwag ang daanan dahil halos walang mga nagtitinda at mga sasakyan na tumatayong sagabal sa daraanan.
Maganda ang naging preparasyon ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ng National Capital Regional Police Office sa ilalim ni Police/Brigadier General Debold Sinas, Manila Police District sa pangunguna ni Police Brigadier General Bernabe Balba at pamunuan ng Traslacion ng Quiapo.
Naging handa ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office sa pangunguna ng hepe nitong si Director Arnel Angeles sa pakikipagtulungan ng Department of Health, Philippine National Red Cross, Raha Sulayman Medics and Volunteers at iba pang mga tanggapan na naglaan ng mga tao upang mabilis na makatugon sa problemang sangkot sa Traslasyon.
Nakiisa rin ang Metropolitan Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways kaya naman naging mabilis ang daloy ng prusisyon dahil sinigurong maagang matatapos ang pagdiriwang hindi katulad noon na halos madaling araw natatapos.
Mabilis ang nangyaring paglilinis ng mga nakatokang magmantine ng kaayusan at kalinisan sa bahagi ng Maynila na daraanan ng mga nakiisa sa Traslasyon.
Sa madaling salita, OKAY ang mga naging kaganapan sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno na tumitigil sa Quiapo, Maynila.
Gayunman, naitala na umabot sa mahigit 1,500 ang mga nasugatan dahil sa paglahok sa prusisyon kung saan halos 775 ang papagkalooban ng tulong medical ng nakatalagang medical teams at volunteers.
Umabot din sa 527 ang tumaas ang presyon, mayroong hinimatay, 200 nagtamo ng minor injuries, 12 ang major cases kaya’t naisugod sa pagamutan at mayroon ding nahirapan sa paghinga.
Ito ang mga maituturing na OKRAY dahil ilang beses na ring pinapaalalahanan ang mga deboto at dumadalo sa prusisyon at Traslasyon na huwag na sumama kung hindi maganda ang kondisyon ng kanilang katawan.
Bukod pa ito sa ilang may makukulit na debotong kahit bagong panganak o may maliliit na anak ay sumasama pa rin at inilalakad ang kanilang mga sanggol na hindi nila iniisip ang kaligtasan.
Ngunit sa kabuuan, ganyan talaga ang buhay, may okay lang at may okray naman. (OKAY O OKRAY / Lea Botones)
115