MABUHAY ANG MGA KAPITALISTA!

SALIKSIK

NAPAKAGANDANG taon ang 2018 para sa iilang may-ari ng San Miguel Corporation (SMC), sapagkat ang pinagsamang kabuuang kita ng SMC na kinabibilangan ng San Miguel Food and Beverage, Inc. (SMFB), SMC Global Power Holdings Corp., Petron Corporation at SMC Infrastructure ay umabot sa P1.02 trilyon.

Ito ay 24 porsiyento mula sa kabuuang kinita noong 2017.

Kung tatanggalin natin ang ginastos sa operasyon at ibinayad sa buwis, pumalo sa P55.2 bilyon ang malinis na kita ng SMC o isang porsiyento mula noong 2017.

Kaya naman tuwang-tuwa sina Eduardo Cojuangco, Ramon Ang at ilan pang may-ari ng SMC, sapagkat bilyun-bilyon ang nadagdag sa kanilang kayamanan.

Samantalang ang libu-libo nilang manggagawa ay hindi lumaki ang kita, sapagkat may epekto sa kanilang sahod ang Tax Reform for Accessibility and Inclusion (Train) Law.

Ang sahod ng mga manggagawa sa SMC ay hindi naman umaabot sa P42,000 kada isang buwan.

Wala ngang P25,000, sapagkat lalabas na P9,000 lamang nila sa minimum na sahod ng ibang mga manggagawa sa Metro Manila alinsunod sa itinakda at ipinasa ng Regional Wage and Productivity Regulatory Board (RWPRB) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang P42,000 ay siyang binanggit ng pinuno ng National Economic Development Authority (NEDA) na si Ernesto Pernia nitong nakalipas na taon na tamang buwanang sahod ng mga manggagawa na siguradong makabubuhay sa bawat isang pamilya ng mga manggagawa.

Nadagdagan naman ng P25 kada araw ang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila nitong 2018.

Ngunit, kung bibila­nging mabuti ito at ilalapat sa aktuwal na gastos ng bawat pamilya bawat araw ay pihadong walang epekto ang P25 na umento.

Tumaas nang bahagya ang sweldo, ngunit bumaba ang tunay na halaga nito sa merkado.

Ibig sabihin, nabawasan ang mga produktong maaa­ring mabili ng sahod ng mga manggagawa, sapagkat bumaba ang kapangyarihang bumili ng minimum na sahod na tinatanggap ng mga manggagawa kada kinsenas at katapusan.

Kaya, walang dudang masayang-masaya ang mga kapitalistang may-ari ng SMC.

Ngunit, ang mga manggagawa sa SMC na siyang tunay na nagpakahirap at nagbanat ng buto at nag-isip nang husto upang patuloy na lumago at kumita ang SMC at mga kompanyang pag-aari nito ay walang natanggap kahit P1 milyon lang mula sa bilyun-bilyong kinita ng bawat may-ari ng SMC.

Ang patuloy na pagsulong at pag-angat ng SMC sa iba’t ibang larangan ng mga negosyo nito ay kongkreto at matibay na ebidensyang patuloy na yayaman ang mga kapitalista kumpara sa mga manggagawa habang umiiral ang kasaluku­yang sistema ng ekonomiya ng bansa.

Kaya, sa tagumpay ng SMC ay nararapat lamang na magbunyi at sumigaw ng “Mabuhay ang mga Kapita­lista!” (Saliksik / NELSON S. BADILLA)

165

Related posts

Leave a Comment