CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI na itutuloy ng Department of Agriculture ang planong magtakda ng suggested retail price (SRP) sa bigas sa bansa.
Nauna nang binalak ng DA na magpatupad ng SRP sa bigas bunsod ng mataas na presyo nito at masigurong may bigas na abot-kaya ang presyo para sa mamamayan.
Upang maipatupad ang plano, sinabi ni DA Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa na kailangan ang konsultasyon sa mga stakeholder mula sa mga grupo ng consumer, producers, traders at millers upang maitakda ang SRP.
Ang pahayag ng DA ay bunsod ng inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang rice inflation sa bansa noong Disyembre 2023 ay tumaas sa pinakamabilis na antas sa loob ng 14 taon.
Mismong si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang nagbigay katiyakan na hindi ikokonsidera ng DA na magpairal ng SRP sa bigas dahil masyado umanong pabago-bago ang presyo ng bigas at ibang agricultural product sa pandaigdigan merkado dahil sa El Niño.
Ang planong magtakda ng SRP sa farm products ay depende at batay sa maaaring lunas alinsunod sa Price Act. May kapangyarihan ang DA na magtakda ng SRP sa agricultural products katulad ng bigas, isda, karne at iba pa.
Pero ang biglang kambyo ng DA sa SRP sa bigas ay nagpapakita na wala pang paraan at solusyon ang pamahalaan sa posibleng kakulangan ng suplay at hindi maawat na pagsirit ng presyo nito.
May agam-agam na posibleng sumampa sa P60 kada kilo ang presyo ng regular milled at well-milled rice kung walang gagawing karampatang aksyon ang pamahalaan.
Ginawa na nila noong isang taon ang pagtatakda ng price cap dahil umano sa pagmamanipula ng mga smuggler at hoarder sa presyuhan nito sa merkado.
Ngunit, wala namang saysay ang programa dahil lalong tumaas ang presyo ng bigas.
Tumalima nga ang mga retailer ngunit lihim na umaray sa epekto ng price cap sa kanilang puhunan at kita.
Meaning, hindi kinaya ng mga nagbebenta ng bigas ang price cap kaya ang pakunswelong solusyon ng pamahalaan ay subsidiya.
Panandaliang lunas ang naiisip ng gobyerno sa problemang hindi nilalapatan ng mabisang solusyon.
Sabagay, maraming perang pangsubsidiya ang pamahalaan, ngunit kapag said na ang inilaang budget ay malamang hindi pa rin tapos ang problema.
Ang subsidiya ay panimpla sa hilaw na price cap na maaaring magbunga ng kakulangan ng suplay ng bigas. Ito ang epekto na hindi tiningnan ng pamahalaan sa sinubukang price ceiling upang mabawasan ang epekto sa publiko.
Hindi epektibong polisiya ang price cap para mapababa ang presyo. Batas ng supply at demand ang dapat pag-aralan.
Huwag rin lagi na lang tayong nakaasa sa importasyon upang madagdagan ang suplay.
Kaya tayong pakainin ng ating mga magsasaka kung may sapat at tamang ayuda at paggabay sa kanila ang pamahalaan.
Sana ay may mapitas na hakbang sa double time daw na pagtatrabaho ngayon ng DA upang matiyak na ang suplay ng produktong pang-agrikultura lalo ang bigas, ay sapat kahit na may banta ng epekto ng El Niño.
148