MAG-INGAT SA PELIGRONG DALA NG MATINDING INIT

EDITORIAL

MARAMING lugar sa Pilipinas ang nakaramdam ng matinding init sa nakalipas na mga araw, at lalong tumataas ang heat index na umabot na sa peligrosong lebel.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may mga lalawigan sa bansa ang nakararanas ng dangerous heat index.

Ang heat index ay tumutukoy sa aktwal na init na nararamdaman ng katawan tuwing hot dry season, ayon sa PAGASA.

Ang heat index sa pagitan ng 42°C at 51°C ay mapanganib dahil maaari itong maging sanhi ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.

Maaaring umabot ito sa mas mataas na antas na itinuturing na “extreme danger” level.

Para makaiwas sa peligrong posibleng maidulot ng matinding init, nagsuspinde na ang ilang lokal na pamahalaan ng face to face classes. Pansamantalang iiral muli ang alternatibong distance learning modality.

May diskresyon naman ang mga eskuwelahan na suspendihin ang f2f classes at gawing distance learning ang paraan ng pagtuturo.

Kawawa ang mga estudyante, lalo sa mga eskuwelahan na siksikan sila at walang maayos na bentilasyon.

Malaki rin ang epekto ng init ng temperatura sa mga guro kaya hangga’t nasa peligrong estado ang heat index ay ipagpatuloy sana ang pagpapatupad ng distance learning.

Ang ilang araw na paglipat sa distance learning ay hindi naman malaking kabawasan sa antas ng pag-aaral.

Pwede naman bumawi at punuan ang puwang kapag bumalik na sa in-person ang klase.

Ang mahalaga ngayon ay mailayo ang mga mag-aaral sa peligro ng umiiral na matinding init ng temperatura at maalinsangang klima.

Kailangan na talagang maibalik sa dati ang school calendar nang gugulin ng mga estudyante ang tag-init bilang bakasyon.

Babala at payong pag-iingat lamang ang mararamdaman natin sa mga lider at politiko kaya ang mamamayan na ang bahalang umangkop sa panahon.

Sa matatanda, iwasang malantad sa matinding init. Uminom palagi ng tubig. Magpalamig.

664

Related posts

Leave a Comment