MY POINT OF BREW
TULAD ng tinatawag na ‘pick-up lines’, ang insidente ng kawalan ng kuryente sa NAIA 3 noong ika-1 ng Mayo ay dapat hindi magmistulang parang puno o halaman. Dapat ay ‘maka-move-on’ na tayo.
Ang ibig kung sabihin dito, ay nangyari na ang nangyari. Alam na ang dahilan o sanhi ng pag-brownout sa nasabing paliparan noong Lunes. Ang dapat atupagin ngayon ay kung paanong hindi na mauulit muli ang nasabing insidente.
Matagal na ang usapang planong magsagawa ng masusing rehabilitasyon sa NAIA. Sa katunayan, ilang beses nang nais pumasok ang pribadong sektor. Nagpanukala sila ng ‘long term lease’ sa pagpapatakbo ng NAIA, kasama na rito ang rehabilitasyon upang maaaring makipagsabayan sa ilang premyadong mga paliparan sa buong mundo. Subalit hanggang ngayon, tila inilista lamang ito bilang isang ‘pangarap’. Tsk tsk tsk.
Ang insidente nangyari noong ika-1 ng Mayo ay naging tampok na balita, hindi lamang sa atin, kundi pati na rin sa ibang bansa. Malaking dagok sa imahe ng ating turismo at ekonomiya ng ating bansa. Subalit tulad ng sinabi ko, MOVE-ON na tayo.
Inamin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na malaki ang problema sa electrical system ng NAIA. Matatandaan na nagkaroon din ng aberya noong ika-2 ng Enero nang masira ang ‘air traffic system’ ng nasabing paliparan. Mahigit 78,000 na pasahero ang naapektuhan sa nasabing aberya.
Kaya naman nangako si Sec. Bautista na magsasagawa sila ng full electrical audit sa NAIA Terminal 1, 2, at 3. “It’s about time na ayusin natin ito. Of course, kakailanganin natin ng medyo malaking budget para dito. Kailangan din natin ng more time, considering dadaan tayo doon sa regular government procurement law. Medyo malaking-malaking trabaho itong rehabilitation ng Terminal 3,” ang paliwanag ni Bautista
Ang nasabing electrical audit ay makatutulong umano upang makapagsagawa sila ng maayos na pagplano sa modernisasyon at upgrade ng buong NAIA na tila napabayaan sa nakalipas na mga panahon.
Kaya naman isang napakagandang balita nang inanunsyo ni Sec. Bautista na nagkusang-loob ang kilalang negosyante na si Manny Pangilinan ng MVP Group of Companies, na mag-alok ng libreng electrical audit sa NAIA.
Alam naman natin na isa sa mga matagumpay na korporasyon na nasa ilalim ng MVP Group ay ang MERALCO. “Ang magandang balita, ang grupo ni Mr. Manny Pangilinan ay nag-o-offer ng libreng electrical audit. Kausap ko sila. Siguro sa Monday, magkakaroon na kami ng first meeting,” ang dagdag na anunsyo ni Bautista.
Bagama’t hindi pa binabanggit na MERALCO ang maaaring magsagawa ng nasabing electrical audit ng NAIA 3, tila ang kumpanya sa ilalim ng MVP Group ang magsasagawa nito. Alam naman natin na sila ang talagang eksperto na maaaring magsagawa nito. Nakataya ang kanilang reputasyon dito. Kaya naman tila makakaasa tayo na wasto at tunay ang ibibigay nilang ulat kapag nagsagawa nila ng electrical audit sa NAIA 3.
Inaasahan na lalabas sa electrical audit ang mga kailangang ayusin, palitan na mga gamit at koneksyon upang makapagplano nang husto ang gobyerno sa nasabing rehabilitasyon ng NAIA. Matatandaan na ang mga tauhan ng MERALCO ang isa sa mga unang dumating upang tingnan at makagawa ng paraan upang mabilis na maibalik ang kuryente sa NAIA 3.
Napakagandang balita ito. Nakikita natin ang taos-pusong pag-alok ng tulong mula sa pribadong sektor sa ating gobyerno. Inuulit ko lang, libre ito. Kaya naman tila maganda ang simulain na makapag MOVE-ON na tayo dito sa isyung ito.
157