CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HANDA ang embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos na umalalay sa mga TNT o undocumented na Pilipino na maaaring maapektuhan ng mas mahigpit na patakaran sa imigrasyon ni President-elect Donald Trump.
Ayan, tutulungan din ng embahada ang mga illegal Pinoy immigrant sa Tate. Hindi naman hanggang abiso, payo at paghimok sa mga illegal Pinoy ang inihayag ni PH Ambassador to the US Jose Romualdez.
Kusa na raw lisanin ang Estados Unidos dahil tiyak aniyang tototohanin ni Trump o Orange man sa kanyang mga kritiko, ang pangako nitong paghihigpit sa Immigration policy kung saan tatamaan ang illegal immigrants sa US. May mga nagsasabing kahit iyong mga legal na pero ang mga magulang o kaanak na naging daan para sila makarating ng Amerika ay ilegal na pumasok ay sapol din.
Ayon pa kay Amb. Romualdez, kapag hinintay pa ng mga TNT na maipatapon sila ay malabo na silang makabalik ng Amerika dahil awtomatikong maba-blacklist na sila. Maaari pa aniyang makabalik ang mga kusang aalis basta dumaan sa tamang proseso. Kusang umalis kaysa ma-deport at ma-blacklist pa.
Hirap talaga ng buhay TNT sa Tate. Ngayon, maglalaho na ang kanilang American dream.
Sabagay, ilegal ang pananatili sa ibang bansa, kaya hindi sila makakailag sakaling ipatupad ni Trump ang mahigpit na patakaran sa imigrasyon, na hindi lang mga Pinoy ang pinupuntirya kundi lahat ng ilegal o TNT mula sa iba pang mga bansa.
Tiyak na tutuparin ni Trump ang kanyang paninindigan kontra mga ilegal na imigrante na pinaniniwalaang naging susi ng kanyang panalo sa katatapos na eleksyon sa US.
Ngunit, dapat bang labis na mag-alala ang mga TNT sa epekto ng mahigpit na polisiya sa imigrasyon na ilalatag ni Trump?
Nasa 250,000 hanggang 300,000 ang mga Pilipinong walang kaukulang dokumento sa US.
Marami ring Fil-Am ang sumuporta kay Trump dahil naniniwala sila na ang polisiya ni Trump ay magpapabuti sa ekonomiya ng US.
Marami ring Pinoy ang highly-skilled kaya umaasa ang iba na isa itong bagay na pwedeng irekonsidera ng bagong administrasyon ng US sa pagpapatapon sa mga TNT.
Teka, malabo raw ang mass deportation ng mga Pinoy-Kano, ayon kay Fil-Am immigration lawyer Jath Shao dahil karamihan sa Pinoy sa Tate ay legal ang pananatili roon, at ang mga Pilipino sa US ay karaniwang sumusunod sa batas.
Ang mass deportations aniya ay nagkakahalaga ng bilyun-bilyon sa gobyerno ng US at maaaring tumagal ng maraming taon, at maaaring makagambala sa ekonomiya ng US.
Aniya, ang pinakamahusay na paraan upang matiyak ang pananatili sa US ay ang magpakasal sa isang mamamayan, magkaroon ng mga kamag-anak na mamamayan, o magkaroon ng kamag-anak sa militar ng Estados Unidos.
Ganun nga siguro, sa ibabaw ng pangamba ay may tinatapik pa ring pampakalma.
Handa rin naman ang Philippine Department of Migrant Workers (DMW) na alalayan ang tinatayang 370,000 walang kaukulang dokumentong Filipino immigrants sa US na nahaharap sa deportasyon.
Ang DMW, kasabay ng attached agency nitong Overseas Workers Welfare Administration at Department of Foreign Affairs (DFA), ay naghanda ng support mechanisms gaya ng financial, medical, at legal assistance sa pamamagitan ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund at ng emergency repatriation fund.
Ayan, AKSYON ha! ‘Wag sanang maging akronim lang ‘yan. Dapat pinagagalaw.
Balik tayo sa panalo ni Orange man na ipinagdadabog ng marami hindi lang mga Amerikano dahil nga isa itong kriminal. Yes, convicted siya kaya hindi lang dito sa Pilipinas hinahalal ang mga kriminal, sa US din!
Marami ang natutuyo ang utak sa kakaisip kung paano nga nangyari iyon. Pero iisa ang paliwanag ng karamihang eksperto kung bakit. Iyon ay dahil may pangako si Trump ukol sa ekonomiya.
Malala rin ang inflation ngayon sa US na isa sa mga batikos sa kasalukuyang presidenteng si Joe Biden na nakaapekto sa kandidatura ng pambato niyang si Kamala Harris. Kahit anong ‘linis’ at kwalipikasyon ni Kamala na talaga namang nag-uumapaw ang suporta maging sa mga sikat at A-Lister sa Hollywood ay kinapos pa rin sa karera sa 2024 elections.
Galit na ang mga Kano dahil kinakapos na rin ang kanilang kita sa mahal ng bilihin partikular ng itlog at ng gasolina. Oo, ipinagdadabog nila ang mahal na itlog.
Kaya nagmukhang hero si Trump dahil nangako siya ng pag-angat ng ekonomiya. Dito sa Pilipinas, hirap na rin ang mga tao dahil sa inflation na ‘yan. Ang sagot ng gobyerno, ayuda.
Habang nagagalit ang taumbayan sa liit ng kita at mahal na bilihin, tatapatan nila ng ayuda. Bakit hindi eh kaya nitong payapain ang nag-aalimpuyong damdamin. Eleksyon na naman sa susunod na taon pero hindi sila nababahala. Ayuda lang nang ayuda.
Kasi nga, “It’s the inflation, stupid”!
6