RAPIDO NI TULFO
MAYROONG bagong kampanya na inilunsad ang Bureau of Internal Revenue (BIR), ito ang RAFT o Run After Fake Transactions. Ayon kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., hahabulin nila ang mga negosyanteng gumagamit ng pekeng sales invoices at resibo dahil ito ay nagreresulta sa bilyong pisong pagkalugi sa gobyerno.
Bukod sa mga negosyante o sellers, layunin din ng kampanyang ito na mahuli ang buyers o mamimili at maging ang Certified Public Accountants o CPA na nakikipagsabwatan sa mga negosyante.
Babala ng commissioner, bukod sa mabigat na multa sa buyers at sellers at kanselasyon ng lisensiya sa accountants na sangkot dito, may kasama ring kulong na anim hanggang sampung taon sa mga mapapatunayan na gumagawa nito.
Binanggit ng BIR commissioner ang raid sa isang condominium unit sa Quezon City noong December 2022 bilang halimbawa kung saan nakakumpiska sila ng libo-libong ghost receipts. Nasampahan na raw ng kasong kriminal sa Department of Justice ang nasa likod nito noong March 16.
Pero teka, dapat ding busisiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at imbestigahan ang isang malaking pharmaceutical firm na diumano ay nagho-hocus pocus din ng kanilang mga resibo upang mapaliit ang kanilang buwis.
Ayon sa ating impormante, sinulatan daw niya noon si Secretary of Finance Carlos Dominguez ukol dito na nagbigay naman ng utos sa BIR noong panahon ni Pangulong Digong, upang siyasatin ang alegasyon ng pandaraya, kaya lang wala yatang nangyari dito.
Makabubuti na muling tingnan ng BIR ang isyung ito at kung mapatutunayan na nangdadaya nga sa pagbabayad ng buwis ang malaking pharmaceutical firms, maaaring umabot din sa bilyong piso ang pwedeng makuha ng gobyerno dito.
***
Sandamakmak na Usecs, Asecs at Directors ang nakaupo ngayon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Atty. Cheloy Velicaria-Garafil. Bakit naman kinakailangan na mag-upo ng ganoong karaming mga opisyal sa naturang opisina na simple lang naman ang trabaho.
Suweldo palang ng mga nakaupo dito ay milyong piso na, hindi pa kasama ang allowances at travel expenses ng mga ito. Sabi ng isang kaibigan, ito raw ang isang magandang halimbawa ng “TROLL FARM”.
256