MALAPIT NA TAYONG MAGING VIETNAM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

DATI may biruan na ang Cabanatuan City sa Nueva Ecija ay Tricycle Capital ng Pilipinas dahil sa rami ng mga tricycle na namamasada pero ngayon ay naagaw na raw ng Tuguegarao City ang titulong ito.

Eto, hindi biro, kung ang Vietnam ay motorcycle capital of the world dahil bawat pamilya raw sa bansang ito ay may motorsiklo na siyang pangunahing transportasyon ng mga tao pero ang titulong ito ay hindi malayong maagaw na ng Pilipinas.

Sa rami ng mga motorsiklo sa mga lansangan sa Vietnam lalo na sa mga siyudad, nagkakaroon ng trapik sa buong maghapon at nagiging malala pa kapag rush hours na at maging sa mga parke ay sangkatutak ang motorsiklo at halos hindi na makadaan ang mga tao sa kanila.

Bakit puwedeng maagaw ng Pilipinas ang titulong Motorcycle Capital of the World? Tingnan n’yo naman ang mga lansangan ngayon sa Metro Manila, sangkatutak ang motorsiklo na lalong dumami dahil sa online shopping apps at ginawa nang bahagi ng public utility vehicles.

Wala nang kontrol sa pagbebenta ng mga motorsiklo sa ating bansa dahil mas mura nga naman kumpara sa apat ang gulong at sa tindi ng trapik sa Metro Manila, marami ang tumatangkilik para madaling makarating sa pupuntahan at hindi na kailangang makipagsiksikan sa transport system natin na limitado na’t hindi pa friendly.

Sa katunayan, sa report ng Land Transportation Office (LTO) sa Kongreso, noong 2019 ay umabot sa 12,725,305 ang rehistradong sasakyan sa bansa at sa bilang na ito ay 8,000,484 ang motorsiklo kaya mas marami na sila ika nga at parami nang parami pa.

Pero ang problema, habang parami nang parami ang nagmomotorsiklo, dumarami ang aksidente at naging sanhi pa ng road rage dahil sa tinatawag na “kamote riders” na walang disiplina sa pagmamaneho.

Eto ‘yung riders na walang galang sa kapwa motorista at ang asal ay gusto nilang sila ang dapat mauna kaya kahit delikado ay bigla na lamang silang susulpot sa harap mo at lilipat ng linya nang hindi lumilingon para tingnan kung may madidisgrasya ba siya sa gagawin niya.

Kahit masikip ay sisiksik sila at kapag nasagi ka nila ay tatakbuhan ka na lang bigla pero pag sila ang nasagi mo ay malaking isyu sa kanila kahit alam nilang kasalanan nila dahil sa kawalan ng disiplina.

Ang asal din ng riders ang karaniwang pinagmumulan ng road rage dahil imbes na humingi ng pasensya ay sila pa ang galit kaya hindi mo masisisi ang mga tao na galit sa kanila dahil wala silang disiplina as in “kamote” talaga.

Kapag nagkaroon ng aksidente, ang motorcycle rider ang laging biktima pero hindi inaalam kung bakit nagkainitan sa kalsada lalo na kapag kinampihan sila ng mga grupong nagtatanggol sa kanila kahit mali ang ginagawa nila.

Marami pang kamoteng rider ang bibiyahe sa lansangan at marami pang aksidente at road rage ang mangyayari hangga’t hindi seryoso ang gobyerno at mga awtoridad sa pagdisiplina sa kanila dahil ang karaniwang nangyayari, saka lang sila nahuhuli kapag nakaasidente na sila pero hindi binabantayan ang kanilang asal na naging dahilan ng disgrasya.

112

Related posts

Leave a Comment