Tila walang naasahang suporta ang mamamayang Filipino mula kay Philippine Special Envoy to China Ramon Tulfo nang sabihin nitong tamad at mabagal ang ating construction workers.
Ipinagtanggol kasi ni Tulfo na kaya mas maraming kumukuha sa mga Chinese workers ay dahil maayos silang magtrabaho kung ikukumpara sa mga Pinoy.
Sana inisip ng mama na bago siya nagsalita ng ganoon ay napakarami ring industriya na mula sa ibang bansa ang tiwala sa gawang Pinoy. Hindi ba’t iyan ang review nila sa performance ng mga Pinoy kaya kahit nasa ilalim lang sila ng iilang taong pagtatrabaho o kontrata ay nauulit pa rin ang pagkuha sa ating mga manggagawa dahil na rin sa tiwala.
Ayaw humingi ng sorry ng mama dahil totoo naman daw ang kanyang sinabi tungkol sa ating construction workers.
Nakalimutan yata ng mamang ito na marami nang mga gusali o industriya sa bansa ang naitayo dahil Pinoy ang gumawa nito na dumaan din sa pagsusuri kaya pumasa at pumapasa kapag ginugustong magtrabaho abroad.
Sa totoo lang masakit ang sinabi niyang iyon lalo pa’t kakarampot lang naman ang kita ng mga iyan dito sa bansa pero ginagawa pa rin ang kanilang tungkulin para may maipakain sa kani-kanilang pamilya.
Malinaw iyan na insulto sa mga pamilyang may miyembro at nagtatrabaho bilang construction worker.
Kung nakukulangan ang mamang ito sa performance ng manggagawa natin sana gumawa na lang siya ng paraan para maiba ang tingin sa kanila at iangat ang estado nila sa lipunan. Hindi matatapos iyan sa puna at insulto lang.
Kawawa naman pala ang imahe ng mga Filipino sa mamang ito lalo pa’t binalandra niya sa social media ang kanyang saloobin na pwede naman niyang itago na lang dahil kababayan naman niya ang kanyang pinuna at nainsulto nang husto.
Baka masipag ang mama, sipagan na lang niya na ibigay ang kakulangan sa performance ng mga ito. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
358